Sa pagsulpot ng mga bagong trabaho na nangangailangan ng technologically-adaptive skills, pinulong ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga career counselor at iba pang human resource development professional ng bansa para sa pagbubuo ng advocacy plan para iangkop ang kakayahan ng mga naghahanap ng trabaho at manggagawa sa mga makabagong teknolohiya.

Sa ginanap na 4th National Career Advocacy Congress sa Legazpi City noong nakaraang linggo, sinabi ni DOLE Bicol Regional Director Exequiel R. Sarcauga na ang career advocacy program ng labor department ay makakatulong sa mga kabataan sa pagbubuo ng desisyon ukol sa pag-aaral at trabaho.

“Ang impormasyon at paggabay para sa nanaising kurso ng mga kabataan ay isa sa mahalagang aspeto sa pagtitiyak na magagamit nila ang mga oportunidad na inaalok sa merkado ng paggawa,” ani Sarcauga.

Kanya ring binigyang-halaga ang pangangailangan na makasabay sa ‘Industry 4.0’ o ang Fourth Industrial Revolution na binigyang kahulugan ng bagong teknolohiya na pinagsamang physical, digital at biological world, tulad ng artificial intelligence, 3D at 4D printing, quantum computing, at autonomous vehicles.

“Ang pagsisimula ng Industry 4.0 ay makakatulong para sa maginhawang buhay sa paggawa ng produkto at pagbibigay ng maayos na serbisyo sa pamamagitan ng online transaction, tulad ng pagbabayad ng mga bayarin, booking ng flights, at shopping,” aniya.

Kasabay ng mga pagbabagong ito, dagdag ni Sarcauga, ay ang pagbuo ng kakayahan na kakailanganin para sa paggawa ng de-kalidad na produkto at serbisyo na tutugon sa pangangailangan ng labor market.

Batay sa ASEAN in Transformation Report ng International Labor Organization, kanyang sinabi na ang technical upgrade at innovation ay may mahalagang epekto sa trabaho sa susunod na dalawang dekada. Tinatayang 49 porsiyento ng empleo (o mahigit 18 milyon trabaho) ang nahaharap na i-automate sa Pilipinas.

Samantala, sinabi ni Bureau of Local Employment (BLE) Director Dominique Tutay na sa paglalabas ng Career Guidance Advocacy Plan 2018-2022, mabibigyan ang mga estudyante, guro, naghahanap ng trabaho, out-of-school youth (OSY), magulang, training institutions, academe, at Public Employment Service Office ng angkop at napapanahong kaalaman sa realidad ng merkado sa paggawa lalo na sa kabuuang implementasyon ng K to 12 o ang enhanced basic education law at ang ASEAN Regional Integration.

“Kailangan din nating rebisahin at pag-aralan ang kasalukuyang career development framework related policies and practices on career guidance ng Pilipinas; pagmumungkahi sa pagtatatag ng National Career Development Center and Career Development Divisions sa pamahalaan, academic at training institutions,” ani Tutay.

Nilalayon din ng Advocacy Plan na palakasin ang kakayahan ng PESO managers at career employment coaches sa career advising services para sa mga indibidwal anuman ang edad; at palawakin ang ang kaalaman sa Fourth Industrial Revolution, pag-aralan ang mga pagbabago sa merkado ng paggawa at mga trabaho.

#END/ GSR/gmea

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry