Muling naghayag ng babala ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga employers laban sa iligal na pangongolekta ng tinatawag na cash bond mula sa kanilang mga manggagawa.

 

Nagbabala ang DOLE matapos itong makatanggap ng mga reklamo mula sa mga empleyado na patuloy silang pinaglalagak ng cash bond sa panahon ng kanilang pagtatrabaho.

 

Sinabi naman ni Labor Undersecretary Joel Maglunsod na kasalukuyan nang binabantayan at tinitingnan ng DOLE ang mga nasabing reklamo ng mga manggagawa.

 

“Patuloy na nakatatanggap ng reklamo ang aking opisina mula sa mga maintenance worker dahil sa cash bond na hindi patas na ibinabawas sa kanilang mga suweldo nang walang pahintulot o ligal na dokumento. Malinaw itong paglabag sa batas,” ayon kay Maglunsod na pinatutungkulan ang 2014 labor department advisory kaugnay sa mga pinapayagang pagbabawas sa suweldo.

 

Nakasaad sa Advisory No. 11, Series of 2014, o mas kilala bilang “Non-Interference in the Disposal of Wages and Allowable Deductions,” na “Walang employer ang pinapayagang magbawas ng suweldo ng kanilang manggagawa liban na lamang kung kabilang ang rason sa itinatadhana sa mga exemption ng batas.”

 

Iginiit pa ni Maglunsod na ang mga manggagawa ay dapat may tuwirang kaalaman at may maayos na dokumento bago tuluyang magpataw ng pagbabawas sa anumang halaga ng cash bond mula sa kanilang mga suweldo.

Itinatadhana rin ng labor advisory ang ilang exemption tulad ng pagbabawas sa suweldo para sa insurance premiums na una ng binayaran ng employer para sa kanilang empleyado; o ang mga may kaukulang dokumento at otorisasyon mula sa mga empleyado para sa cash deposit na para naman sa pagkawala o pagkasira ng mga kagamitan, materyales, at iba pang equipment na ibinibigay ng mga employer.

 

Nililinaw rin ng advisory na “kung ang mga pribadong security agency ay magpapataw ng cash deposit mula sa mga empleyado, ang kabuuang halaga ay hindi maaaring humigit sa isang buwang suweldo ng empleyado at maaari itong ibawas sa lingguhan nilang suweldo subalit hindi lalagpas ng 20 porsiyento.”

 

Sa kaso naman ng mga pinapayagang pagbabawas, ang nailagak na halaga ay dapat ibalik sa mga empleyado. “Kung ang kontrata ng mga manggagawa ay nagtapos na, o nagbitiw na sila sa kanilang posisyon, ang kanilang cash bond ay dapat na ibalik ng buo sa kanila lalo na kung wala naman silang dapat na bayaran sa kanilang employer,” ayon kay Maglunsod.

 

Hinihikayat naman ni Maglunsod ang mga manggagawa na patuloy na isumbong sa kanila ang anumang pang-aabuso ng kanilang mga employer at tiniyak na poprotektahan ang kanilang pagkakakilanlan.

 

“Poprotektahan natin ang mga manggagawa. Ito ang papel ng DOLE. Tutulungan namin sila at makikipag-usap kami sa management upang maibalik ang nakolekta nilang cash bond. Hindi dapat matakot ang mga manggagawa na magsumbong kaugnay sa iligal na gawaing ito dahil karapatan ninyo ito,” dagdag pa ng opisyal.

 

Samantala, hinimok ni Maglunsod ang mga manggagawa na may mga nais ireklamo o isumbong na tumawag sa DOLE Hotline 1349, bisitahin ang pinakamalapit na opisina ng DOLE sa 7th floor, Muralla, cor. Gen. Luna Sts., Intramuros, Manila, o personal na makipag-ugnayan sa kanyang opisina upang agarang malutas ang mga problema.

 

#Paul Ang

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
6