Magsasagawa ng hakbang ang Department of Labor and Employment upang palakasin ang pagmo-monitor at pag-uulat sa pagpapatupad ng Batas Kasambahay.

Naglabas ang Bureau of Workers with Special Concerns (BWSC) ng addendum sa Administrative Order No. 207, Series of 2013 matapos ang ginanap na konsultasyon kamakailan na naglalayong iayon sa nagbabagong panahon ang patakaran sa pagpapatupad ng nasabing batas. Nakasaad sa AO ang pagsasama-sama ng mga serbisyo ng DOLE sa pagpapatupad ng Batas Kasambahay.

 

Ayon kay BWSC Director Ahmma Charisma Satumba, naghanda na ang kanilang tanggapan ng draft administrative order na nagmumungkahi ng addendum sa Administrative Order No. 207.

 

Inaatas ng administrative order ang paglalagay ng DOLE Monitoring and Reporting Indicators on Domestic Workers at ang Kasambahay Desk Officer’s Guide.

 

Nakasaad sa DOLE Monitoring and Reporting Indicators on Domestic Workers Act ang detalye ng kani-kaniyang obligasyon at ang regular na pag-uulat ng mga tanggapan, bureau, at attached agencies ng DOLE na kabilang sa nagpapatupad ng Republic Act No. 10361, na kilala bilang Batas Kasambahay.

Kabilang sa monitoring indicators ang pagpapalaganap ng impormasyon at mga gawain ukol sa Batas Kasambahay, pag-aayos ng sahod, pag-aayos ng di-pagkakaunawan, pagsagip at rehabilitasyon ng inabusong kasambahay, pagbabantay ng kontrata sa pag-empleo sa pamamagitan ng pribadong employment agency, at bilang ng naka-rehistrong organisasyon ng kasambahay.

 

Samantala, dinedetalye naman ng Kasambahay Desk Officers’ Guide ang nararapat na benepisyo, mga itinakda at kondisyon para sa lokal na pag-eempleo ng kasambahay, at pagpapatupad ng Domestic Workers’ Rights sa ilalim ng RA 10361. Ang Kasambahay Desk Officers’ Guide ang gagamiting gabay ng mga nagpapatupad sa Batas Kasambahay.

 

Para sa mas maayos na pagmo-monitor at pagsusuri, nakasaad din sa mungkahing administrative order ang pag-aatas sa kinauukulang tanggapan, bureau at attached agency ang pagsusumite ng quarterly report.

 

Bilang karagdagan, inatasan din ang DOLE Regional Offices na magbigay ng kopya ng Kasambahay Desk Officers’ Guide sa mga lokal na pamahalaan sa kanilang nasasakupang lokalidad.

Sa ilalim ng Administrative Order No. 207, Series of 2013, ang BWSC, bilang program manager, ay susuportahan ng  Bureau of Working Conditions (BWC), Occupational Safety and Health Center (OSHC), Bureau of Local Employment (BLE), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), National Wages and Productivity Commission (NWPC), Information and Publication Service (IPS), National Conciliation and Mediation Board (NCMB), Bureau of Labor Relations (BLR), Human Resource Development Service (HRDS), at DOLE Regional Offices sa pagpapatupad sa probisyon ng Batas Kasambahay at ang patakaran at pamantayan sa pagpapatupad nito.

 

END/aldm/GMEArce

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry