Ipinahayag kahapon ni Kalihim Silvestre H. Bello III na magbubuo ang Kagawaran ng polisiya ukol sa kontraktuwalisasyon sa empleo batay sa proposal ng employer at grupo ng manggagawa bago magtapos ang 2016.

“Maglalabas kami ng polisiya o pamantayan na ipatutupad ng Kagawaran bago magtapos ang taon. Magdedesisyon kami kung tatapusin na ang kontraktuwalisasyon, papayagan ang kontratktuwalisasyon, o maglalabas na babalanse sa dalawang posisyon,” ani Bello matapos ang High Level Dialogue sa pagitan ng mga kinatawan mula sa employer at grupo ng manggagawa na ginanap sa OSEC Conference Room, DOLE Building sa Intramuros, Manila.

Idinagdag ni Bello na pinag-aaralan ng Kagawaran ang mungkahing “Win-Win Structure” na isinumite ng Department of Trade and Industry (DTI) at sinusuportahan ng iba’t ibang grupo ng employer.

Kabilang sa mga grupo ng employer na sumusuporta sa proposal ng DTI ay ang Employers’ Confederation of the Philippines (ECOP); Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce (FFCCCII); at Philippine Association of Local Service Contractors (PALSCON).

Ang “win-win structure” ng DTI ay nagmumungkahi ng mga sumusunod na kasunduan: ang mga manggagawa ay gagawing regular ng kanilang contractor na may buong benepisyo, kabilang sa mga ito ang leave credits, 13th month pay, SSS, Phil-Health; maaring i-deploy o muling i-deploy sa principals kung kinakailangan; maaari ring ang kompanya/principals na kumuha ng manggagawa bilang regular o mag-outsource depende sa kapanahunan o partikular na tungkulin; at mahigpit na pagsunod ng service provider sa pagbibigay ng buong benepisyo sa manggagawa.

Sa kabilang banda, ang grupo ng manggagawa ay maglalabas ng kanilang unified proposal pagkatapos ng Visayas at Mindanao Island-wide Summit. Noong 17 Oktubre, ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang grupo ng manggagawa ay nagtipon sa Occupational Safety and Health Center (OSHC) sa Quezon City para sa Luzon Labor Summit at nagsumite ng kanilang paunang proposal.

Ang labor summit ay ginanap upang makalap ang mga impormasyon mula sa sektor ng manggagawa para sa pagpapatupad ng istratehiya, polisiya, programa at mga gawain sa paggawa at empleo na susuporta sa pagsasakatuparan ng eight-point policy agenda ni Kalihim Bello.

Kamakailan, ipinahayag ni Kalihim Bello na siya ay naniniwala na kayang itigil ng pamahalaan ang anumang iligal na gawain ng kontraktuwalisasyon sa bansa.

“Hindi magiging madali ang pagpapatigil sa ‘endo’, ngunit ako ay naniniwala na sa pagiging matatag ng kagawaran at ang suporta ng mga kaagapay nito, maaari nating matuldukan ang iligal na kontraktuwalisasyon,  kasama ang ‘555’ at ‘endo’, at mabigyan ng seguridad sa trabaho ang lahat ng ating manggagawa,” ani Bello.

END/CTM/GMEArce

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry