Iniatas kahapon ni Kalihim Silvestre H. Bello III ng Paggawa at Empleo (DOLE) ang kagyat na pagbabalangkas ng polisiya sa kontraktuwalisasyon batay sa mga mungkahi ng mga grupo ng employer at manggagawa bago magtapos ang 2016.

“Maglalabas kami ng polisiya o patakaran na ipatutupad ng Kagawaran bago magtapos ang taon. Maglalabas kami ng desisyon kung aming aamyendahan, babaguhin, o ipawawalang-bisa ang Department Order No. 18-A,” ani Bello.

Idinagdag ni Bello na magpupulong ang mga opisyal ng Kagawaran sa susunod na linggo upang suriin ang mga mungkahi ng mga grupo ng manggagawa at employer ukol sa kontraktuwalisasyon, kasama ang Department Order No. 18-A, o ang Rules Implementing Articles 106 to 109 of the Labor Code, as Amended.

Nagtatakda ang DOLE Order 18-A ng patakaran para sa pagrerehistro ng contractor. Ang pag-amyenda o pagpapawalang-bisa ng department order at ang pagpapalabas ng bago ay mangangahulugan ng mas mabilis na pagpapatupad ng reporma na nangangailangan ng pagsang-ayon ng Kongreso.

“Ang aming layunin ay alisin ang iligal na pamamaraan ng kontraktuwalisasyon, kasama na ang ‘endo’ at ‘555’,” ani Bello.

Ang grupo ng mga employer, sa pakikipag-ugnayan sa Department of Trade and Industry (DTI), ay nagmungkahi ng “win-win structure” kung saan ang mga manggagawa ay gagawing regular ng kanilang contractor na may buong benepisyo at maaaring i-deploy at muling i-deploy sa principal kung kinakailangan.

Ang grupo ng manggagawa, sa kabilang banda, ay naglabas ng kanilang unified proposal matapos ang ginanap na Luzon, Visayas and Mindanao Island-wide Summit. Kasama sa kanilang mungkahi ang pagpapatigil sa lahat ng uri ng kontraktuwalisasyon.

Ang mga employer na nagpapatupad ng ‘endo’ ay kumukuha ng manggagawa ngunit kanilang tinatapos ang kontrata bago mag-anim na buwan kung saan nakasaad sa batas na sila ay may karapatang maging regular at magkaroon ng seguridad sa trabaho.

END/CTM/GMEArce

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
2