Naghahanda na ang bansa na mag-ulat ng malaking ambag ng mga Pilipina sa ekonomiya at ang pagpapalakas ng kampanya ng pamahalaan para sa mga kababaihan sa harap ng United Nations sa gaganaping Commission on the Status of Women (CSW) sa New York sa darating na Marso 2017.

Ang ika-61 sesyon ng United Nations ay tutuon sa temang “Women’s Economic Empowerment in the Changing World of Work” at inaasahang dadaluhan ng iba’t ibang government at non-government organizations na siyang magsasama-sama at magsasanib ng impormasyon upang maabot ang iisang adhikain na maiangat ang kapasidad ng mga kababaihan.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre H. Bello III, masugid na sumusuporta ang pamahalaan sa anumang aktibidad at kampanya na may layuning iangat ang kamalayan ng publiko sa mga karapatan ng mga kababaihan maging ang naiibang talento ng mga ito kasama na rin ang pagbibigay parangal sa kanilang malaking ambag sa pagyabong ng ekonomiya.

“Ginagawa natin ang ating makakaya upang maabot ang mas maraming Pilipina sa bansa at abroad. Mayroon tayong iba’t ibang programa at mga training na maaari nilang magamit upang linangin ang kanilang kakayahan na magreresulta rin sa pag-unlad ng kanilang mga komunidad,” wika ni Bello.

Binanggit rin ng kalihim ang iba’t ibang programa ng DOLE tulad ng mga livelihood assistance, skills development on entrepreneurship, livelihood know-how at ang pagsabay at tamang paggamit sa teknolohiya.

Kabilang naman sa mga isyu na pagtutuunan ng pansin ng UN Session ay ang pagpapalakas ng kampanya at ayuda para sa mga tinatawag na indigenous women tulad ng mga naninirahan sa probinsya at malalayong lugar maging ang mga miyembro ng mga tribo na madalas ay hindi rin naaabot ng edukasyon, maliit ang kapasidad sa pagkalap ng pagkain at nutrisyon, at kakulangan ng pagkakakitaan para sa kanilang pamilya.

Pangungunahan naman ni DOLE Assistant Secretary Maria Gloria A. Tango ang working group upang magbigay ng kanilang komento at suhestyon para sa ministerial round table statement at side events. Kabilang sa grupo ang mga kinatawan mula sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA); Overseas Workers Welfare Administration (OWWA); National Reintegration Center for OFWs (NRCO); Institute for Labor Studies (ILS); International Labor Affairs Bureau (ILAB); at ang Bureau of Workers with Special Concerns (BWSC).

Ang CSW ay principal global body na ang tanging layunin ay magkaroon ng pagkakapantay-pantay sa sekswalidad at pagpapalakas sa kakayahan ng mga kababaihan.

Ito rin ang isa sa mga functional commission na nakatuon sa paghahayag at pagpapalaganap ng karapatan ng mga kababaihan, pagpapakita ng mga dokumentaryo sa realidad ng buhay ng isang babae sa buong mundo at ang pagbuo ng global standards sa pagkakapantay pantay sa sekswalidad.

Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bisitahin ng publiko ang official website ng komisyon sa http://www.unwomen.org.

#PaulAng

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry