Ang Marikina ang unang lugar na pagdarausan ng Trabaho Negosyo Kabuhayan (TNK), isang trabaho at negosyo caravan, na magkasamang pangangasiwaan ng Department of Labor and Employment at ng Department of Trade and Industry, pahayag kahapon ng labor department.

Itatampok ng caravan, na naglalayong magbigay ng karagdagang trabaho at negosyo sa kanayunan, ang job fair, career at employment coaching upang palakasin ang pagnenegosyo sa komunidad. Nakatakda ang dalawang araw na gawain sa Marso 3 at 4.

Sinabi ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III na nilalayon ng two-day caravan na itaas ang kaalaman ng publiko sa plano ng pamahalaan, ang TNK Blueprint for Decent Employment and Entrepreneurship 2017-2022, na naglalayong makalikha ng 7.5 milyong trabaho sa 2020.

Sa ilalim ng plano, ang mga trabaho ay magmumula sa key employment generating sectors (KEGS), tulad ng manufacturing, food processing, construction, tourism, Information Technology-Business Process Management (IT-BPM), transportation and logistics, at retail trade.

“Nilalayon naming makamit ang 2030 agenda para sa patuloy na pag-unlad, partikular ang pagbibigay ng disenteng trabaho at pag-unlad ng ekonomiya, magtayo ng matatag na imprastraktura, itaguyod ang panlahatan at pangmatagalang industriya at maunlad na pagbabago,” dagdag ni Bello.

Kasama ang katuwang na mga ahensiya, magsasagawa din ang DOLE at DTI ng TNK caravan sa Mayo 1 sa paggunita sa Araw ng Paggawa at sa Araw ng Kalayaan sa Hunyo 12.

Inilunsad ng DOLE at DTI ang Trabaho, Negosyo, at Kabuhayan-Employment and Livelihood Summit noong nakaraang Disyembre kung saan nakalap ang iba’t ibang policy recommendations mula sa sectoral summit tulad ng Micro, Small and Medium Enterprises (MSME) Summit, Manufacturing Summit, Philippine Construction Congress, at Information Technology-Business Process Management (IT-BPM) Summit.

Inilatag sa ginanap na two-day summit ang mga istratehiya para maitaas ang antas ng empleo, mas maayos na paraan upang malaman ang mga oportunidad sa trabaho, matugunan ang mga kinakailangang kasanayan, at ang pagsasama-sama ng pamahalaan, pribadong sektor at ng academe upang makabuo ng pambansang programa sa empleo na susuporta sa development plan ng bansa.

END/Abegail De Vega/GMEArce

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry