Handa na para sa gaganaping Trabaho, Negosyo, Kabuhayan (TNK) Caravan ang Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Trade and Industry (DTI) sa darating na Marso 3 at 4 sa Marikina City.

Ang dalawang araw na aktibidad ay isang job at business fair na naglalayong makapagbigay ng oportunidad sa trabaho at magpapalaganap ng entrepreneurship sa iba pang komunidad.

Pinapayuhan naman ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III ang mga aplikante na maging handa rin at dalhin ang kanilang mga dokumento na kinakailangan para sa aplikasyon dahil iba’t ibang oportunidad ng trabaho sa bansa at ibayong dagat ang naghihintay para sa kanila sa nasabing job fair.

Ang panimulang seremonya ay gaganapin sa activity center ng Riverbanks Mall kasama si Marikina City Mayor Marcy R. Teodoro na magbibigay ng kanyang pambungad na pananalita at si Marikina 1st District Congressman Bayani F. Fernando na maghahandog naman ng kanyang mensahe.

Magbibigay rin ng kani-kanilang mga mensahe sina DOLE Undersecretary Dominador Say at DTI Secretary Ramon Lopez.

Susundan naman ito ng pirmahan ng Declaration of Commitment na sisimbolo sa hangarin ng pagtutulungan ng mga ahensya upang mapalakas at maipagpatuloy ang inisyatibo ng TNK.

Hinihimok naman ang mga lalahok na dumalo sa iba’t ibang seminar na isasagawa ng DOLE at DTI sa Renaissance Convention Center sa lugar.

“Inaabisuhan ko na ang lahat ng mga lalahok na dumalo sa mga learning session na ito sa unang araw ng caravan bago tumungo sa job fair na gaganapin sa ikalawang araw. Ang mga seminar na ito ay magbibigay kaalaman sa mga aplikante kaugnay ng mga oportunidad sa mundo ng pamamasukan at negosyo at upang magkaroon rin sila ng kaalaman kung maisipang magbukas ng sarili nilang negosyo,” wika ni Secretary Bello.

Ang mga seminar na gaganapin sa umaga ng aktibidad ay ang Kasanayan sa Paghahanap ng Trabaho na pangungunahan ni Director Dominique Rubia-Tutay ng Bureau of Local Employment (BLE) ng DOLE; at Paano Magsimula at Magpalago ng Negosyo na hahawakan naman ni Maria Victoria Magkalas ng Bureau of Small and Medium Enterprise Development ng DTI.

Sa hapon naman, ang mga seminar na isasagawa ay ang Karapatan at Kapakanan ng Manggagawa na pangungunahan ni Director Benjo Santos M. Benavidez ng DOLE- Bureau of Labor Relations (BLR); Handog Pangkabuhayan ng DOLE na tatalakayin ni Director Ahmma Charisma L. Satumba ng DOLE – Bureau of Workers with Special Concerns (BWSC); at ang Sa Maliit na Puhunan, May Negosyong Pagkakakitaan na ibabahagi ni Zemar Pacuribot ng DTI – Center for Innovation and Technology for Enterprises.

Ang job fair na gaganapin sa Marso 4 sa activity area ng Riverbanks Mall, ay bubuksan sa pamamagitan ng isang seremonya ni Mayor Teodoro, Cong. Fernando, BLE Director Tutay, DOLE-National Capital Region Director Johnson G. Cañete, at mga DTI Director na sina Jean Pacheco at Emma Asusano.

Pinapayuhan ang mga aplikante na dalhin ang kanilang mga dokumento tulad ng resume o curriculum vitae (magdala ng maraming kopya para sa iba’t ibang aplikasyon); 2 x 2 ID picture; certificate of employment para sa mga dati ng namasukan; diploma o transcript of records; at authenticated birth certificate.

Ang dalawang araw na aktibidad ay may temang, “Kasipagan, Katapatan, Kagalingan, Karangalan (4Ks) Para sa mga Ganado sa Pag-asenso.”

END/aldm/ Paul Ang

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry