Lumagda kamakailan ng kasunduan sina Kalihim Rosalinda Dimapilis-Baldoz ng Paggawa at Panghanap-Buhay at Chief Executive Officer Washington Fabricio Ponce Garcia ng Coca Cola FEMSA Philippines, Inc. para sa magkasamang pagbubuo ng mga bagong programa tutugon sa trabaho, karagdagang pangkabuhayan, at pangkasanayang teknikal at pang-negosyo para sa mga pauwing overseas Filipino worker (OFW).

 

“Ipinapakita ng kasunduang ito ang kahalagahan ng pakikipagtulungan ng pribadong sektor.  Magdudulot ng positibong resulta ang pagtutulungan sa paglalatag ng mga programa at serbisyo para sa mga pauwing OFW na nagnanais na muling makapagtrabaho sa ating bansa o makapagtayo ng sariling kabuhayan, o maitaas ang kanilang kaalaman at kakayahan sa pamamagitan ng teknikal na pagsasanay,” ani Baldoz matapos lagdaan ang kasunduan na ginanap sa DOLE, Intramuros, Maynila.

 

Kasama ni Baldoz sa simpleng seremonya ang tatlo niyang undersecretary—Undersecretaries Ciriaco A. Lagunzad III, Rebecca C. Chato, and Nicon F. Fameronag—gayundin sina Assistant Secretaries Gloria A. Tango, Katherine Brimon, at Joji V. Aragon—kanyang inilahad na ang kasunduan ay magiging daan sa pagbubuo ng mga programang tutugon sa pangangailangan ng trabaho at pangkabuhayan ng mga OFW na nagnanais na permanenteng manatili sa ating bansa.

 

Kasama naman ni Ponce Garcia sina Juan Carlos Dominguez, Coca Cola FEMSA Philippines, Inc. HR and Corporate Affairs Director; Juan Lorenzo Tanada, Public and Legal Affairs Associate Director; at Wella A. Orejola, Labor Relations Diversity and Social Development Manager.
Sa kanilang kasunduan, kapwa ang DOLE at Coca Cola FEMSA ay nagpahiwatig ng kanilang interes sa  magkasamang pagpapatupad ng bagong trabaho o programang pangkabuhayan para sa mga OFW.

 

Ang Coca Cola FEMSA, isa sa pinakamalaking employer sa Pilipinas, ang nangunguna sa industriya ng mga inumin. Ito ay may malawak na negosyo sa buong bansa, at kasalukuyang may ipinatutupad na programang trabaho at pangkabuhayan.

 

Sa bahagi ng DOLE—na mayroon ding ipinatutupad na serbisyo at programang trabaho at pangkabuhayan—sinabi ni Baldoz na mahalagang mabigyan ang mga OFW ng sapat at makabuluhang oportunidad para sa posibleng trabaho at tulong-pangkabuhayan para mahikayat ang mga OFW na manatili na lamang sa ating bansa.

 

“Kailangan lang nating alamin kung alin sa ating kani-kaniyang programa ang maaari nating pagsamahin upang makapagbuo ng programa at serbisyong naayon para sa OFW, at ituro ang mga programang ito sa mga OFW batay sa kanilang nais,” paliwanag ni Baldoz.

 

Matapos alamin ang mga programang trabaho at pangkabuhayan, ito ay ipapasok ng DOLE sa programang Assist W.E.L.L. Ito ang pinagsamang programa para sa mga OFW na tutugon sa kanilang pangangailangang pangkagalingan, trabaho, pangkabuhayan at tulong-legal. Itinatag kamakailan ni Baldoz ang programang Assist W.E.L.L. sa pagtatayo ng 18 Assist W.E.L.L. Processing Centers sa buong Pilipinas, tatlo rito ay nasa Metro Manila, samantalang ang iba pang 15 center ay nasa DOLE regional office.

 

Sa ilalim ng kasunduan, ayon sa ipinahihintulot ng batas at ng kani-kanilang alituntunin at regulasyon, ang DOLE at Coca-Cola FEMSA ay magpapalitan ng impormasyon ukol sa kani-kaniyang programang trabaho at pangkabuhayan na maaaring pagsamahin. Bibigyan din nila ang isa’t isa, kung kinakailangan, ng mga datos, mekanismo, estadistika at impormasyon ukol sa kakayahan at kasanayan ng OFW.

 

Sinabi din ni Baldoz na ang DOLE ay kasalukuyang nagpapatupad ng kaparehong kasunduan kasama ang iba pang pribadong sektor, tulad ng Philippine Plastics Industry Association, Inc.; Philippine Association of Local Service Contractors, Inc.; Information Technology and Business Process Association of the Philippines, Inc.; Cement Manufacturers Association of the Philippines; Aerospace Industries Association of the Philippines; at Ayala Land, Inc.

 

END/GMEArce

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry