Muling nagpaalala ang Department of Labor and Employment sa mga employer na tuwirang ipatupad ang pagbibigay ng benepisyo sa kanilang mga manggagawa sa pamamagitan ng pag-enroll sa kanilang mga empleyado sa SSS, Philhealth, at Pag-Ibig at pag-remit ng kanilang kontribusyon sa nasabing social benefits.

Ang paalala ay kasunod ng samu’t-saring mga reklamong natatanggap ng DOLE kaugnay ng hindi pagsunod ng mga employer sa nasabing panuntunan nitong mga nakaraang buwan.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre H. Bello III, ang DOLE ay may mandato na sigurihin na lahat ng kumpanya at employer ay mahigpit na sumusunod sa pagbibigay ng mga tinatawag na labor laws-mandated social benefits sa mga manggagawa.

“Isa lamang ito sa paraan upang tiyakin na nababantayan at napoprotektahan ang karapatan ng mga manggagawa. Ito rin ang legal at moral na responsibilidad ng mga employer sa kanilang mga tauhan,” wika ni Bello.

Dagdag pa niya, ang DOLE ay nakikipag-ugnayan na rin sa SSS, Philhealth, at Pag-Ibig, upang mabantayan ang iba’t ibang kumpanya at establisyimento sa kanilang pagsunod sa general labor standards.

Lumalabas naman sa ulat ng Bureau of Working Conditions (BWC) na may 44,524 establisyimento ang na-monitor noong 2015, at 86.24% ang nakasunod sa SSS contribution at remittance requirements. Noong nakaraang taon naman ay tumaas ito sa 60,376, ngunit bumagsak ang compliance rate nito sa 84.69% porsiyento.

Sa Labor Laws Compliance System na pinamamahalaan ng BWC ay nakapagtala rin ng 84.20 porsiyentong compliance rate para sa Pag-Ibig noong 2015. Sa nasabing datos rin ay bumagsak ang compliance rate sa 83.14 porsiyento noong nakaraang taon.

Para naman sa Philhealth compliance, ang 44,524 na sakop na establisyimento noong 2015 ay nakapagtala ng 85.94 porsiyentong compliance, habang ang 60,376 na establisyimento naman noong 2016 ay nakapagtala rin ng mababang compliance rate na 83.14 porsiyento.

Sinabi ni Bello na ang DOLE ay nakatatanggap ng maraming reklamo mula sa mga manggagawa hinggil sa hindi pagsunod ng kanilang mga employer sa pag-reremit ng kanilang kontribusyon sa SSS, Philhealth, at Pag-Ibig na nagreresulta sa pagkaka-deny nila sa mga loan applications.

Ang ganitong mga sitwasyon ang nag-uudyok sa labor department upang palakasin pa ang koordinasyon nito sa mga nasabing ahesya at palakasin ang pagpapalawig ng information sharing at data monitoring ng pag-remit ng kontribusyon ng mga employer.

#Paul Ang

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
4