Lahat ng mga Philippine Registered Ships (PRS) na nagsasagawa ng paglalayag sa ibang bansa ay binibigyan ng karagdagang panahon upang makasunod sa probisyon ng financial security sa anumang abandoned seafarer, ayon sa anunsyo ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Sa Department Order No. 181-A series of 2018, pinalawig ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang grant of dispensation sa lahat ng PRS upang makasunod sila sa nasabing financial security requirement.

“Tatagal ang pagpapalawig na ito hanggang mailabas at maipatupad ang Procedural Guidelines na binuo ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) bago ang Marso 31, 2018,” ayon kay Bello.

Ang Department Order, ayon kay Bello, ay saklaw ang lahat ng mga PRS na nagsasagawa ng paglalayag sa ibang bansa na mayroong valid Maritime Labour Certificate, at nagtatakda ng abiso sa mga Port State Control Officers.

Noong nakaraang taon, nagpalabas si Bello ng Department Order No. 181 na nagtatakda ng mga polisiya para sa probisyon ng financial security sa lahat ng PRS hanggang Disyembre 31, 2017.

Nilalayon nitong matiyak na lahat ng mga seafarer ay mabibigyan ng epektibong financial security system sa pamamagitan ng ‘insurance agreement o escrow agreement’ sa oras ng abandonment, at proteksyon sa iba pang mga insidente ng pagkakasakit, pinsala o pagkamatay na may koneksyon sa kanilang trabaho.

Ang financial security provision ay bilang pagtalima sa pagpapatupad ng bagong Regulations 2.5 o ang Repatriation and 4.2 o Ship owners’ liability, at appendices ng Maritime Labour Convention (MLC, 2006).

END/Tim Laderas/ Paul Ang

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
11