Hinikayat ng pamunuan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga dati at umuwing overseas Filipino workers (OFW) na mga licensed teachers na ipagpatuloy ang kanilang propesyon at maging public school teachers sa bansa.

Sa ilalim ng programang “Sa Pinas, Ikaw ang Ma’am/Sir (SPIMS),” ang mga OFWs na nakapasa sa Licensure Examination for Teachers (LET) ay maaaring mag-apply para makapagturo at maging empleyado ng Department of Education (DepEd)

Ang SPIMS ay ang reintegration program para sa mga OFWs na umuwi nitong nakaraang tatlong taon at nagkaroon ng karanasan sa pagtuturo sa nakalipas na limang taon. Habang ang mga nakapagturo nang lagpas sa limang taon o mga wala pang karanasan ay kailangang muling dumaan sa isang online refresher course.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre H. Bello III ang programa ay naglalayong bigyan ng disente at regular na trabaho ang mga dati at umuwing OFW at maging mga public school teachers.

Sinabi rin ng kalihim na ang programa ay tutulong na makabawas sa kakulangan sa mga guro sa mga paaralan sa bansa lalo na ang mga nasa probinsya at malalayong lugar.

“Ang programa ay nakapagbigay tulong na sa bagong grupo ng mga dating OFWs at ngayon ay mga guro na. Nagagalak kami na ang mga benepisyaryo ay narito na sa bansa at mas malapit na sa kanilang pamilya habang sila ay nakapagtuturo sa mga regular na posisyon ng pagiging guro sa kani-kanilang mga komunidad,” wika ni Bello.

Batay naman sa ulat ni DOLE-7 Regional Director Exequiel Sarcauga na may kabuuang 19 OFWs sa Central Visayas ang natulungan na ng programa na may layong hikayatin ang mga OFW na manatili sa bansa at sumailalim na lamang sa mga pagsasanay. Ang mga benepisyaryo ng SPIMS ay dating namamasukan bilang mga guro at household service workers sa mga bansang Thailand, Hong Kong, China, Singapore, United Arab Emirates (UAE), at Turkey.

Sinabi pa ni Sarcuaga na ang mga benepisyaryo ay may plantilla position na bilang Teacher 1 (Salary Grade 11) matapos na pumasa at makapagpasa ng mga kinakailangang dokumento.

Lima sa mga dating OFWs ay galing sa Cebu at ngayon ay nagtuturo na sa mga pampublikong paaralan sa nasabing lungsod sa mga bayan ng Madridejos, Borbon, and Lilo-an habang ang 14 ay mga residente ng Bohol at ngayon ay pasok na sa mga public elementary at high school sa Dagohoy, Trinidad, Danao, Tubigon, Loay, Cortes, Lila, Carmen, President Carlos P. Garcia, Talibon, at sa Mabini.

Samantala, ang DOLE, sa pamamagitan ng National Reintegration Center for OFWs (NRCO), ang siyang pangunahing nagpapatupad ng programang SPIMS kasama ang DepEd, Professional Regulation Commission (PRC), Commission on Higher Education (CHED), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), at ang Philippine Normal University (PNU).

END/Paul Ang/Luchel Taniza

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry