Kasabay ng pagpapaigting ng mga benepisyo sa ilalim ng Employees’ Compensation Program (ECP) upang mas makatulong sa pangangailangan ng mga persons with work-related disabilities (PWRDs), inaprubahan ng Employees’ Compensation Commission (ECC) ang pagdaragdag sa halaga ng Carer’s Allowance mula sa P575 hanggang sa P1,000 kada buwan.

Ang Carer’s Allowance ay isang supplemental pension na ibinibigay sa mga benepisyaryo sa pribado at pampublikong sektor na dumaranas ng work-connected permanent partial at permanent total disabilities.

Sinabi ni Labor Secretary at ECC Chairperson Silvestre H. Bello III na ang inisyatibong ito ay alinsunod sa mandato ng ECC na mapalakas ang mga benepisyo at dagdagan pa ito, kasunod ng pag-apruba ng Pangulo ng Pilipinas. Ang pagdaragdag sa Carer’s Allowance ay isang pamamaraan ng komisyon upang matiyak na ang mga benepisyo at serbisyong ibinibigay sa publiko ay nananatiling makabuluhan.

Ayon kay ECC Executive Director Stella Zipagan-Banawis, ang pagdaragdag sa EC Carer’s Allowance, na itinatakda sa ilalim ng ECC Board Resolution No. 18-02-03, ay batay sa aktuwal na pag-aaral na ginawa ng Government Service Insurance System (GSIS), ang administering agency para sa ECP para sa pampublikong sektor.

Batay sa pag-aaral, ang State Insurance Fund sa GSIS ay nananatiling matatag at inaasahang tatagal ng lagpas sa 2066 sa kabila ng panukalang pagdaragdag sa halaga ng Carer’s Allowance.

Dagdag pa rito, sinabi pa niya na ang pagdaragdag sa benepisyo ay hindi nangangailangan ng pagtataas sa kontribusyon ng mga employer sa EC premium.

Ang kopya ng nasabing resolusyon ay naipadala na rin sa Office of the President of the Republic of the Philippines para sa pag-apruba ni Pangulong Rodrigo Duterte na inaasahang susundan ng pagpapalabas ng naaayong Executive Order.

ECC/ Paul Ang

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry