Binabalak nang repasuhin ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre H. Bello III ang Department Order (DO) kaugnay ng pagpapatupad ng technical safety inspection sa mga establisyimento sa mga Special Economic Zones (SEZ).

Sinabi ito ni Bello matapos ang naganap na sunog na lumamon sa isang building ng manufacturing firm sa Cavite Export Processing Zone sa Rosario, Cavite noong nakaraang linggo.

“Muli naming susuriin at repasuhin ang kautusan. Pangunahing tungkulin ng departamento na magpatupad ng tama at maayos na occupational safety sa mga establisyimento at hindi ito dapat na maisaalang-alang,” ayon kay Bello.

Pinatutungkulan ni Bello ang Memorandum of Agreement sa pagitan ng DOLE at Philippine Economic Zone Authority (PEZA) kaugnay sa pagpapatupad ng technical safety inspection at napirmahan noong Hunyo 23, 2016, o isang linggo bago siya maupo sa puwesto.

“Hindi dapat ibinigay ang obligasyon ng safety inspection sa mga kompanya. Dapat na masiguro ng departamento na nabibigyan ng maayos na occupational safety at health standards ang mga manggagawa,” dagdag pa ni Bello.

Nagbaba na rin ng kautusan ang kalihim na magsagawa ang DOLE ng occupational safety at health investigation upang mabatid kung sumusunod sa OSH at iba pang panuntunan at regulasyon ang House Technology Industries sa Cavite.

Naglabas na rin si Bello ng Administrative Order No. 32 na nagtatakda ng pagbuo ng DOLE Investigation team na pamumunuan ni Undersecretary Joel B. Maglunsod. Ang mga miyembro naman ng investigation team ay kinabibilangan nina Regional Director Zenaida Angara-Campita ng Region 4-A; Executive Director Noel C. Binag ng Occupational Safety and Health Center (OSHC); Directors Maria Teresita S. Cucueco ng Bureau of Working Conditions (BWC), Dominique Tutay ng Bureau of Local Employment (BLE), at Ahmma Charisma Satumba ng Bureau of Workers with Special Concerns (BWSC).

Ang grupo ay mag-iimbestiga at magbibigay ng komprehensibong ulat sa darating na Pebrero 17, 2017. Sila rin ay naatasang makipag-ugnayan sa Bureau of Fire Protection (BFP), PEZA, Cavite Economic Zone, Provincial Government of Cavite, at sa Local Government Unit ng General Trias.

Magugunitang noong Pebrero 1, isang sunog ang sumiklab sa HTI factory na matatagpuan sa loob ng Cavite Export Processing Zone. Isang manggagawa ang namatay habang ginagamot sa isang ospital bunsod ng matinding pinsala sa sunog na kanyang tinamo habang higit 100 pa ang sugatan sa nasabing insidente.

Ang HTI ay isang manufacturing company na may tauhang nasa higit 13,000 manggagawa. Mula sa nasabing bilang, nasa 7,000 ang direct hire habang nasa 6,000 ang nasa ilalim ng manpower agency.

###celestemaring/ Paul Ang

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry