Naglabas na ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng cease and desist order sa Greenhand Labor Service Cooperative sa Polomolok, South Cotabato matapos mapatunayang lumabag ito sa labor standards and working conditions.

 

“Inalis na ang Greenhand Labor Service Cooperative sa listahan ng mga lehitimong kontraktor/subkontraktor. Ang nasabing establisimiento ay pinagbabawalan na ring pumasok sa anumang pangongontrata o magsagawa ng iligal na pangongontrata,” ayon kay Undersecretary Joel B. Maglunsod.

 

Binanggit ni Maglunsod na nakasaad sa ulat mula kay OIC Regional Director Albert E. Gutib ng DOLE Regional Office No. 12, na ang nasabing kooperatiba ay pinagbabawalan ng pumasok sa anumang kasunduan sa pangongontrata.

 

Ayon kay Gutib, ang Greenhand Labor Cooperative ay hindi sumusunod sa mga labor standards and working conditions at maging sa mga batas at panuntunan sa Social Security, Pag-Ibig, PhilHealth, at tamang kompensasyon sa empleyado.

 

Dagdag pa rito, nilabag rin ng nasabing kooperatiba ang Department Order No. 159, Series of 2016, o ang panuntunan para sa Employment of Migratory Sugarcane Workers. Sinabi pa niya na nabigo ang establisimento na makapagpakita o makapagbigay ng kanilang Certificate of Authority to transport na inilalabas ng DOLE Regional Director sa mga opisina.

 

Iniulat rin ng inspection team ng DOLE Regional Office No. 12 na ang Greenhand Labor Cooperative ay lumabag sa Article 113 of the Labor Code nang kaltasan nito ng P500 at P100 ang mga manggagawa sa asukal para sa mga gastusin sa transportasyon at bahagi ng mga laborer sa coordinator ng datu.

 

Ang Greenhand rin umano ay nagpapasuweldo ng mas mababa sa tamang panuntunan at hindi nagbabayad ng iba pang benepisyo sa mga migrant sugar worker na nakatatanggap ng share na mababa sa P12.00 kumpara sa dapat nilang makuha batay sa arawang suweldo ng mga nasa sektor ng agrikultura sa Rehiyon 3.

 

Napag-alaman rin ng DOLE RO 12 na ang establisimiento ay lumabag sa R.A. 9231 o ang Anti-Child Labor Law nang sila ay tumanggap ng apat na menor de edad para magtrabaho.

 

Nabigo rin ang Greenhand Labor Cooperative na mai-enroll at mabayaran ang remittance sa SSS, PhilHealth, at Pag-Ibig ng mga manggagawa sa planta.

 

“Ang mga manggagawa ay dapat na nasasaklaw ng social security mula pa lamang ng unang araw ng kanilang trabaho. Ang kooperatiba ay hindi rin sumusunod sa tamang panuntunan sa SSS, Philhealth, at Pag-Ibig,” ayon pa kay Maglunsod.

 

###celestemaring/ Paul Ang

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry