May 704 manggagawa ng isa sa mga pangunahing hamburger chain sa bansa ang malapit nang gawing regular na empleyado.

Ito ay matapos atasan ng labor department ang Burger King o Perf Restaurants Inc. na gawing regular ang mga manggagawa nito sa 44 store-branches sa Metro Manila matapos makitaan ng paglabag sa general labor laws and standards.

Batay sa resulta ng joint assessment na isinagawa ng labor laws compliance officers (LLCOs), nakitaan na nagpapatupad ng labor-only contracting ang Burger King at ang lima nitong contractor.

Isa sa mga contractor – Fusion Integrated Service Cooperative ang nagkaloob ng employment contract na may probationary status at hindi nakasaad ang panahong itatagal ng kanilang empleo, na isa sa pamamaraan upang tanggalan ng karapatan ang manggagawa para sa seguridad sa trabaho.

Ang principal at ang apat na iba pang contractor, ay nag-deploy ng manggagawa na ang gawain ay direktang may kinalaman sa pangunahing operasyon ng food chain. Wala ring sapat na kapital ang contractor sa dahilang ang kasangkapan ng principal ang ginagamit ng empleyado nito sa pagtupad ng kanilang gawain bilang outsourced service.

Nakitaan din ng hindi pagsunod sa Occupational Safety and Health Standards (OSHS) ang principal at ang mga contractor dahil sa kawalan ng trained safety personnel at certified first aider.

Inatasan din ng labor department ang Burger King at ang contractor nito na agad mag-isyu ng appointment letter at payroll kung saan nakasaad ang mga nararapat na tanggapin ng mga apektadong manggagawa bilang regular na empleyado.

END/Abegail De Vega /gmearce

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry