Sa likod ng bawat tagumpay, may nakatagong kuwento na magpapatunay na ang tagumpay ay hindi basta lamang dumarating sa buhay. Ito ay produkto ng pagsusumikap, pagpupunyagi, pag-aaral, sakripisyo at higit sa lahat pagmamahal sa iyong ginagawa at ang kagustuhang matuto.

 

Para kay Roque Emmanuel “Emman” Ladao – Catibog, kahit na mahirap ang buhay, maraming dahilan upang magtagumpay.

 

Taong 2011, sa edad na 16, ng siya ay maging benepisaryo ng Special Program for the Employment of Students (SPES), at sa halip na tumambay na lamang tuwing bakasyon, ginamit niya ang pagkakataong ito upang kumita bilang paghahanda sa susunod na pasukan.

 

Nag-umpisa siya sa local government unit (LGU) ng Mamburao sa Occidental Mindoro bilang office clerk at naitalaga sa iba’t ibang departamento ng LGU sa San Jose ng parehong lalawigan noong 2012 hanggang 2015. Nagtrabaho din siya bilang student aide sa Divine Word College of San Jose noong 2016.

 

Sa sunod-sunod na anim na taon, binigyan siya ng SPES ng oportunidad na umunlad at maging responsable. Ito rin ang nagturo sa kanya ng tamang ugali at inihanda din siya sa katotohanan sa mundo ng paggawa.

 

Isang dean’s lister, nagtapos si Emman ng Bachelor of Science in Accountancy. Pinatunayan niya na bagama’t mahirap na kurso ang BSA, umani siya ng tagumpay sa pamamagitan ng pagpupunyagi at pagsasakripisyo.

 

Ang kanyang pagsusumikap ay nagbunga ng makasama siya sa talaan ng mga Certified Public Accountants nang ipahayag ng Professionals Regulations Commission (PRC) ang resulta ng CPA Board Exam noong Oktubre 2016.

 

END/Abegail De Vega /GMEArce

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry