Hinimok ni Kalihim Silvestre H. Bello III ng Paggawa at Empleo (DOLE) na gamitin ang PhilJobNet sa paghahanap ng trabaho at mag-rehistro para sa mas madaling pagtutugma ng trabaho at ng manggagawa (job matching).

“Maraming bakanteng trabaho sa ating lokal na merkado, at sa PhilJobNet lamang may mahigit na 50,000 trabahong lokal ang maaaring aplayan ng mga naghahanap ng trabaho,” ani Bello.

Ang PhilJobNet ay ang web-based job matching facility ng pamahalaan na nagtataglay din ng mga impormasyon ukol sa merkado sa paggawa.

Sa ulat kay Bello, sinabi ni Director Dominique Tutay ng Bureau of Local Employment (BLE) na ang 10 pangunahing bakanteng posisyon sa PhilJobNet ay call center agent na may 822; staff nurse na may 402; kasambahay na may 198 bakante; private tutor, 180; quality analyst na may 180 bakante; production worker, 180; cashier, 140; salesperson, 135 bakante; drivers, 125 bakante; at accounting officer na may 100.

Sinabi ni Tutay na libre ang paghahanap ng trabaho gamit ang Enhanced PhilJobNet System.

“Makikita sa PhilJobNet ang napapanahon at tamang impormasyon sa mga bakantang trabaho at mga aplikanteng manggagawa. Wala ding gastos ang pagrerehistro ng mga aplikante at ng employer sa PhilJobNet,” ani Bello.

Ang PhilJobNet ay nagtataglay ng flexible matching system kung saan itinutugma ang aplikante sa bakanteng trabaho ayon sa pangangailangan ng employer. Mayroon din itong interactive map para makita ng aplikante ang mga impormasyon ukol sa bakanteng trabaho, mga ipinatutupad na proyektong pangkabuhayan, o ang mga training programs na isinasagawa sa mga rehiyon at probinsiya. Makikita rin dito ang mga bakanteng trabaho sa ibang bansa, listahan ng top hiring companies; at ang PESO Performance Monitoring System (PPMS).

Ang PhilJobNet ang nangungunang job search at job skills matching portal ng Pilipinas mula nang ito ay mailunsad noong 1998.

END/CTM/GMEArce

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry