Pinaalalahanan ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III ang mga employer na sundin ang patakaran para sa tamang pasahod sa ika-31 taon ng EDSA People Power Revolution sa Pebrero 25, isang special non-working holiday.

Batay sa Proclamation No. 50 noong Agosto 16, 2016, idineklara ni Presidente Rodrigo R. Duterte ang Pebrero 25, 2017 bilang special non-working holiday sa buong bansa bilang pag-alala sa ika-31 taong Anibersaryo ng EDSA People Power Revolution.

Ang mga sumusunod na patakaran ang dapat sundin sa Pebrero 25:

• Kung ang empleyado ay hindi nagtrabaho, ang “no work, no pay” ang dapat ipatupad, maliban na lamang kung may polisiya ang kompanya o collective bargaining agreement (CBA) na nagbibigay ng sahod para sa nasabing araw.

• Para sa trabahong ginampanan sa nasabing araw, makatatanggap ang empleyado ng karagdagang 30 porsiyento ng kanyang arawang kita sa unang walong oras. Arawang sahod x 130% + COLA ang dapat sundin.

• Para sa trabahong ginampanan ng higit sa walong oras (overtime work), babayaran ang empleyado ng karagdagang 30 porsiyento ng kanyang orasang kita para sa nasabing araw. Ang tamang kuwenta ay: Orasang kita ng kanyang arawang sahod x 130% x 130% x bilang ng oras na trinabaho.

• Para sa trabahong ginampanan sa nasabing araw at ito rin ay araw ng kanyang pahinga, sila ay makatatanggap ng karagdagang 50 porsiyento ng kanilang arawang kita para sa unang walong oras na trabaho. Arawang kita x 150% + COLA ang dapat sundin.

• Para sa mahigit sa walong oras na trabaho (overtime work) sa nasabing araw at ito rin ay araw ng pahinga ng empleyado, dapat silang bayaran ng karagdagang 30 porsiyento ng kanilang orasang kita sa nasabing araw. Orasang kita ng kanyang arawang sahod x 150% x 130% x bilang ng oras na trinabaho.

END/CTM/GMEArce

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry