Naglabas na ng advisory si Labor Secretary Silvestre H. Bello III na tumitiyak na ang ‘right to self-organization’ ng lahat ng kawani ng Higher Education Institutions (HEI) ay hindi maaapektuhan kasunod ng pagbabawas ng miyembro nito dahil sa pagpapatupad ng K-12 Program.

“Ang legal personality ng mga faculty association, pati rin ng unyon ng teaching at non-teaching staff, o iba pang kawangis na organisasyon ay hindi maaapektuhan nang dahil sa pagbabawas ng miyembro kasunod ng transition period ng K-12 program,” paglilinaw ni Bello.

Ang inilabas na Labor Advisory No. 2, Series of 2017, o ang Right to Self-Organization Relative to the Implementation of K-12 Program, ay nagbibigay proteksyon sa pagpapatupad at pagpapalakas ng karapatang sa self-organization ng teaching at non-teaching na mga kawani sa mga HEI.

Dinagdag pa niya na ang mga miyembro ng faculty associations, mga unyon ng teaching at non-teaching, at ang iba pang parehong organisasyon na natanggal dahil sa K-12 program ay maaari lamang matanggal sa pagiging miyembro kung naaayon ito sa kanilang batas at by-laws.

Isinasaad rin sa Labor Advisory na ang karapatan at kondisyon ng membership sa faculty association, teaching at non-teaching na unyon, at ibang organisasyon ay dapat na nasasaklaw at may umiiral na constitution at by-laws.

Ang programang K to 12 ay sumasaklaw sa Kindergarden at 12 taong panimulang edukasyon (anim na taon ng primary education, apat na taong Junior High School, at dalawang taong Senior High School) upang maihanda ang mga mag-aaral para sa tertiary education, middle class skill development, trabaho, at entrepreneurship.

#celestemaring/ Paul Ang

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry