Positibo at nagpahayag ng pag-asa si Labor Secretary Silvestre H. Bello III na maisasalba ng pamahalaan ang buhay ng isa pang manggagawang Pilipino na nasa death row sa Kuwait matapos mapatunayang pumatay ng kapwa nito manggagawa.

Ito ay matapos makausap ni Bello ang asawa ng biktimang si Nilo Macaranas, isang inhinyero na umanoy napatay dahil sa saksak ni Elpidio Lano, dalawang taon na ang nakararaan,

“Nakausap ko na si Mrs. Macaranas. Sinabi ko sa kanya na, sana ay mahanap niya sa kanyang puso na mapatawad na si Lano,” wika ni Bello.

Dinagdag pa niya: “Nasa kanya na at kanyang pamilya ang desisyon kung mapapatawad nila si Lano at tanggapin na lamang ang inaalok na blood money.”

“Umaasa pa rin ako para kay Lano. Naniniwala rin tayo na kahit paano ay mabawasan ang sentensya niya mula sa kamatayan, o hindi kaya naman mas maganda kung mapalaya na siya,” sinabi pa ni Bello.

Noong 2014, naaresto si Lano matapos maakusahan ng pagpatay kay Macaranas. Nasentensyahan siya ng bitay ng korte sa Kuwait, gayunman hindi pa rin na-iiskedyul ang kanyang sentensya.

Lumutang muli ang kaso ni Lano kasunod ng pagbitay kay Jakatia Pawa noong nakaraang buwan. Si Pawa ay isang siyang household service worker na nasentensyahan ng bitay noong 2007 dahil umano sa pagpatay sa 22-anyos na anak ng kanyang employer. Siya rin ang umano’y itinuturong sumaksak ng ilang beses gamit ang kitchen knife habang natutulog ang biktima. Iginiit naman ni Pawa na wala siyang sala sa ibinibintang sa kanya hanggang siya ay mabitay.

Naging biglaan ang pagpapatupad ng sentensya ni Pawa kung saan naabisuhan lamang ang pamahalaan at mga kaanak nito na isasagawa na ang pagbitay isang araw lamang bago ang itinakda nitong araw noong Enero 25.

#TimLaderas/ Paul Ang

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry