Sinabi kahapon ni Labor and Employment Secretary Silvestre H. Bello III na pinag-aaralan na ng Department of Labor and Employment ang moratorium o pansamantalang pagsusupinde sa pag-deploy ng mga Filipino household service worker (HSW) sa Kuwait.

 

“Ang ating mga OFW, partikular ang mga kasambahay na umaalis ng bansa na nangangarap ng magandang buhay para sa kanilang sarili at pamilya, na sa kasawiang-palad ay nahaharap sa isang bangungot sa mga bansang ito,” ani Bello.

 

Kanyang idinagdag na may mga panawagan na isuspinde o magkaroon ng moratorium sa pagde-deploy ng mga household service worker sa Middle East dahil sa mga pang-aabusong dinaranas ng mga OFW, partikular ang mga kababaihang kasambahay.

 

“Seryoso naming tinatanggap ang panawagan para sa moratorium. Magsasagawa kami ng mga konsultasyon sa aming mga kasama at iba pang ahensiya ng pamahalaan,” ani Bello na nagpunta ng Kuwait upang tingnan ang kalagayan ng isa pang Filipino na nasa death row, si Elpidio Lano na nahatulan ng kamatayan ng Kuwait Court of First Instance dahil sa umanoý pagpatay sa kapwa Filipino na si Nilo Macaranas noong Hunyo 17, 2014

 

Sinabi ni Bello na kasalukuyan ng pinag-aaralan ang posibleng moratorium sa mga household service worker sa nasabing bansa. “Agad kaming maglalabas ng desisyon sa mungkahing morotarium,” ani Bello.

 

Samantala, inatasan ni Labor Secretary ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na madaliin ang pagproseso ng mga kinakailangang dokumento ng pamilya ni Jakatia Pawa sakaling magdesisyon ang mga ito na dalawin ang libingan ng OFW sa Kuwait.

 

“Ibibigay namin ang lahat ng tulong na kanilang kakailanganin. Kasalukuyan ng prinoproseso ang mga dokumento kung sakaling mag-desisyon ang pamilya na pumunta ng Kuwait,” ani Bello.

 

Sa ngayon, hindi pa nakakapag-desisyon ang pamilya Pawa kung kalian sila pupunta ng Kuwait upang dalawin ang libingan ng OFW. “Inaantay lang ang kanilang desisyon kung kailan nila gustong magpunta ng Kuwait. Kami ay narito naman para asikauhin ang kanilang pangangailangan,” ani Bello.

 

Idinagdag ni Bello na kanya nang inatasan ang lahat ng ahensiya na kanyang pinamumunuan na madaliin ang pagbibigay ng tulong pinansiyal at pangkabuhayan sa pamilya ni Pawa.

 

Binitay si Pawa noong Enero 25 sa Kuwait matapos siyang mahatulan ng kamatayan ng Kuwait Court of First Instance dahil sa pagsaksak sa 22 taong anak ng kanyang employer habang ito ay natutulog noong Mayo 2007.

 

END/CTM/GMEArce

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry