Isang pasilidad para sa pagsasanay ang pinaplanong itayo sa Pilipinas ng mga mamumuhunang Hapon upang malinang ang kasanayan at pagtanggap sa mga Pilipinong healthcare professional tulad ng mga nurse at caregiver na nangangarap mamasukan sa Japan.

Ito ang inanunsyo ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III kasunod ng pulong nito sa 15 miyembro ng delegasyon mula sa Philippine Human Resource Global Information Center Inc (PHGIC), Sage Asia Language and Educational Center Inc (SALAEC), at anim na iba pang kumpanya ng healthcare sa Japan.

“Ang ibang miyembro ng delegasyon mula sa Taizankai Medical Society ay naglatag na ng kanilang plano upang magtayo ng isang training facility dito para masiguro ang husay at kahandaan ng mga Pilipinong healthcare professional na matatanggap hindi lamang sa Japan kung hindi maging sa ibang panig ng daigdig,” wika ni Bello.

Nakipagpulong si Bello sa grupo upang pag-usapan ang mga napapanahong pagbabago at nararapat gawin para mabigyan ng mas maraming oportunidad ang mga Pilipinong manggagawa sa Japan.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni TMS President Taiji Yamada na walang duda sa pagiging maalalahanin, at maalaga ang mga Pilipino na siyang kinakailangan ng lumalagong industriya ng healthcare.

Nagpaabot naman ng kanyang pasasalamat si Bello sa Japanese Delegation sa kanilang interes upang magtayo ng training facility para sa mga healthcare professional sa bansa.

“Nagpapasalamat kami sa pagpunta ninyo rito upang tulungan ang aming mga healthcare professional. Umaasa kami na sa tulong ng inyong pamumuhunan dito ay mas marami pang oportunidad ang mabubuksan para sa mga naghahanap ng trabaho. Tinitiyak rin namin ang buong suporta sa proyektong ito,” dagdag pa ng kalihim.

END/Tim Laderas/ Paul Ang

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry