Isa na namang trahedya ang naganap sa isang Filipino household service worker sa Kuwait nang ito ay mamatay sa pinaghihinalaang pambubugbog ng employer, ayon kay Labor Secretary Silvestre H. Bello III.

Inatasan kahapon ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III ang Labor Attaché ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Kuwait na mahigpit na i-monitor ang kaso ni Amy Capulong Santiago, ang household service worker na namatay sa Kuwait dahil umano sa pananakit ng kanyang employer.

Nagpahiwatig si Bello ng kalungkutan at pakikiramay sa pamilya ng biktima ng makarating sa kanya ang kalunus-lunos na trahedya kasabay ng pag-utos kay OIC Labor Attaché Angelita Narvaez na subaybayan at asikasuhin ang kaso ni Santiago.

Kanya agad inatasan ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na ibigay ang nararapat na tulong sa pamilya ni Santiago, kasama na ang pagbibigay ng benepisyo sa mga naulila ng biktima.

Ipinagbigay-alam na rin sa pamilya ni Santiago na nasa Concepcion, Tarlac, ang mga kinakailangang dokumento para matanggap ang P200,000 death insurance benefits at P20,000.00 para sa pagpapalibing.

Ipinaalam na rin sa pamilya ni Santiago na sasagutin ng OWWA ang lahat ng gastusin sa pagpapauwi ng labi ni Santiago.

“Bibigyan namin ang pamilya ng nararapat na tulong para maiuwi ang labi ng biktima, kasama na ang pag-aasikaso pagdating ng labi sa airport, gayundin ang psycho-social counseling, kung kinakailangan. Bibigyan din namin ng tulong-pangkabuhayan ang mga naulila ni Amy Santiago sa ilalim ng National Reintegration Program for OFWs kung kanilang nanaisin,” aniya.

Idinagdag ni Labor Secretary na magbibigay ng tulong-legal ang Philippine Embassy sa Kuwait at ang DOLE-Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa pamilya ni OFW Santiago para makamit ang hustisya sa kanyang pagkamatay. Kanyang idinagdag na inatasan niya ang POLO sa Kuwait na bantayan ang kaso.

Batay sa ulat mula sa Assistance to Nationals Unit (ATNU) ng Philippine Embassy sa Kuwait, iniulat ng Abdullah Al Mubarak Police Station na isinugod si Santiago ng kanyang employer sa Farwaniya Hospital bandang 10:15 ng gabi noong Enero 25, ngunit idineklara ang biktima na dead on arrival.

Batay sa imbestigasyon ng Kuwait Directorate General of Criminal Evidence may mga nakitang bago at lumang pasa sa iba’t ibang bahagi ng katawan at karamihan ay nasa likod ng biktima. Ang labi ng biktima ay isinangguni sa Forensic Department noong Enero 26 para sa karagdagang imbestigasyon upang tiyakin ang sanhi ng pagkamatay.

Samantala, inaresto ng awtoridad ang lalaking employer habang sumuko naman ang kanyang asawa sa Abdullah Al Mubarak Police station. Kasalukuyang nakakulong ang dalawa at sumasailalim sa imbestigasyon ng Kuwaiti police authorities upang alamin kung may nangyaring foul play sa pagkamatay ni Santiago.

END/CTM/GMEArce

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry