Inatasan ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III ang mga kinauukulang ahensiya na ihanda ang tulong para sa pamilya ni Jakatia Pawa, ang overseas Filipino worker na nabitay sa Kuwait.

“Nakikiramay kami sa pagdadalamhati ng pamilya Jakatia, na naging mas masakit dahil sa biglaang pagpapatupad ng hatol kay Jakatia,” ani Bello na ngayon ay nasa Roma para sa ikatlong pag-uusap sa CPP-NPA-NDF.

Inatasan ni Belllo ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na madaliin ang pagbibigay ng tulong-pangkagalingan, pati ang pagsasailalim sa psycho-social counselling ng pamilya Pawa.

Tatanggap ang naulilang pamilya ni Pawa ng P120,000 tulong-pinansiyal, kasama ang P20,000 tulong sa pagpapalibing. Makakatanggap din ng college scholarship ang dalawang anak ni Jakatia.

Pupunta sa Zamboanga del Norte si OWWA Administrator Hans Leo J. Cacdac upang bisitahin at makiramay sa pamilya ni Pawa at alamin kung ano pang karagdagang tulong ang maaaring maibigay.

Sinabi ni Bello na ginawa ng pamahalaang Pilipinas ang lahat ng makakaya, sa pamamagitan ng konsulado at pagbibigay ng tulong legal upang mailigtas ang buhay ni Pawa.

“Ibinigay ng pamahalaan ang nararapat na tulong at tiniyak na ang kanyang karapatang-legal ay napapangalagaan habang siya ay sumasailalim sa paglilitis,” ani Bello.

Ayon kay Cacdac, nagtalaga ang pamahalaan ng dalawang law firm na kumatawan para kay Jakatia. Hiniling din ang tulong mula sa King of Spain, na kaibigan ng Emir of Kuwait, upang hikayatin ito na ibaba ang sentensiya. Kinuha din nila ang serbisyo ng isang abogado para makipag negosasyon sa pagbabayad ng blood money (diyah) sa pamilya ng biktima bilang kapalit ng Affidavit of Forgiveness (tanazul).

Nagtrabaho si Jakatia bilang domestic helper sa Kuwait noong 2002. Idineploy siya ng kanyang local agent na Non-Stop Overseas Employment Corporation sa kanyang employer na si Fathiya Nasser Galoum Abdullah.

Noong Abril 13, 2008, nasentensiyahan si Jakatia ng Court of the First Instance sa Kuwait ng kamatayan dahil umano sa pagpatay sa 22-taong anak ng kanyang amo habang siya ay natutulog noong Mayo 14, 2007.

Noong Enero 19, 2010, pinagtibay ng Court of Cessation ng Kuwait ang hatol na kamatayan ng Court of First Instance. Gayunpaman, itinanggi ni Jakatia na ginawa niya ang nasabing krimen at nanindigan na siya ay inosente.

Ibinaba ang dalawang hatol, sa kabila ng depensa ni Jakatia na wala ang kanyang fingerprint sa pinangyarihan ng krimen at ang bahid ng dugo na nakuha ay hindi pareho sa kanyang blood sample.

Limang taon nang nagtatrabaho ang 32-taong household service worker sa kanyang employer bago naganap ang insidente.

END/CTM/GMEArce

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry