Hinimok kahapon ni Labor Secretary ang publiko na itawag sa DOLE Hotline 1349 ang anumang pang-aabuso sa mga anak ng OFW.

“Hinihiling ko sa publiko na kung may nakita sila o suspetsa ng pang-aabuso sa anak ng OFW, dapat nila itong itawag sa DOLE Hotline 1349 upang matiyak ang kaligtasan ng bata,” ani Bello.

Batay sa National Baseline on the Study on Violence Against Children: Philippines ng UNICEF, sinabi ni Bello na madaling maabuso ang mga batang iniwan ng magulang na OFW.

“Kailangan nating protektahan ang mga batang ito. At ang isang paraan upang maprotektahan sila ay ang pag-report nito sa ating DOLE Hotline 1349. Mag-iimbestiga kami, at kung kinakailangan, iligtas ang bata. Mahirap kasi na ang pinagtitiwalaan mo na mag-aalaga sa anak mo ay iyon pa ang mag-aabuso sa mga bata,” ani Bello.

Ayon kay Bello, beberipikahin at iimbestigahan ng DOLE ang report na matatanggap ng Hotline 1349, kasama ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Justice (DOJ).

Kanyang idinagdag na ang DOLE Hotline 1349 ay batay sa direktiba ni Presidente Rodrigo R. Duterte sa mga ahensiya ng pamahalaan na tiyakin na ang lahat ng katanungan at pangangailangan ng publiko ay agad na matutugunan.

Bukas ang DOLE Hotline 24/7.

END/CTM/GMEArce

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry