Hinimok ni Labor and Employment Secretary Silvestre H. Bello III ang mga lokal na service contractor na maging bahagi ng mga volunteer assessor upang tumulong sa pag-iinspeksiyon kung sumusunod sa batas-paggawa ang mga establisyamento sa buong bansa.

Sa kanyang mensahe sa ginanap na anibersaryo ng Philippine Association of Legitimate Service Contractors (PALSCON), sinabi ni Bello na magtatalaga ng mga miyembro mula sa sektor ng manggagawa at mamumuhunan na tutulong sa mga pagsusuri sa mga establisyamento kung ito ba ay sumusunod sa batas-paggawa.

“Dahil may kakulangan tayo sa inspectors, humihiling kami sa parehong manggagawa at mamumuhunan, kabilang ang inyong grupo, na magpadala ng nominasyon para maging bahagi ng ating inspection team,” ani Bello.

Kanyang idinagdag na 525 Labor Laws Compliance Officers (LLCOs) lamang ang nagsasagawa ng inspeksiyon at pagsusuri sa mahigit na 900,000 establisyamento sa buong bansa.

“Kahit isama natin ang karagdagang 200 plantilla position na ibinigay ng Presidente, hindi pa rin sapat ang bilang na ito upang magsagawa ng inspeksiyon sa mga establisyamento sa ating bansa. Kaya, sa inyong tulong, at mula sa grupo ng manggagawa at mamumuhunan, makatitiyak tayo na mahigpit na susundin ang mga batas-paggawa,” ani Bello.

Itinakda ng DOLE, sa pamamagitan ng administrative order, ang mga kwalipikasyon at kinakailangan upang ang isang manggagawa ay maging bahagi ng assessment team para sa pagsunod sa batas-paggawa.

Sa ilalim ng kautusan, ang mga kwalipikadong miyembro ng lehitimong labor organizations, labor associations, chartered locals, national union/federation, accredited integrated professional organization/accredited professional organization, non-government organization, at employer’s organization, ang maaaring maging bahagi ng assessment activities, kasama na ang pagdalo sa mga pagpupulong.

Kinakailangan ding sumailalim ang mga kwalipikadong miyembro sa mga programang-pagsasanay na inihanda ng DOLE. Ang mga nagtapos at pumasa sa programa ay makakatanggap ng ‘Authority to Assess.’

Balido ang authority hanggang sa pagtatapos ng taon at mapapawalang-bisa kung makikitaan ng DOLE ng pananakot, pagbabanta o pagpipigil sa manggagawa, o anumang dahilan na makakasama sa serbisyong publiko.

“Ang pagkuha sa tulong ng mga kinatawan mula sa grupo ng manggagawa at employer ay isa sa mga istratehiya upang pigilan ang ‘endo’ at iba pang iligal na uri ng kontraktuwalisasyon,” ani Bello.

END/Tim Laderas/GMEArce

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry