Hinimok kahapon ni Kalihim Rosalinda Dimapilis-Baldoz ng Paggawa at Panghanap-buhay ang mga kasambahay, employer, recruitment agency, at mga ahensiya ng pamahalaan, at iba pang organisasyon na pag-aralan online ang R.A. 10361, na kilala bilang Domestic Workers Act, o Batas Kasambahay.

 

“Ang DOLE, sa pamamagitan ng Bureau of Workers with Special Concerns, ay bumuo ng isang e-Learning Introductory Course ukol sa Batas Kasambahay upang madaling mapag-aaralan ang mga probisyon ng nasabing batas.  Ang e-Learning Course ay makikita sa elearning.dole.gov.ph, ang e-learning portal ng DOLE Labor Governance Learning Center,” ani Baldoz, na siyang nagsimula sa pagtatag ng portal na bahagi ng kanyang reporma upang makatugon ang DOLE sa mga bago at modernong pamamaraan sa pag-aaral.

 

Ipinaliwanag ni BWSC Director Ahmma Charisma Satumba na kapag na-access na ang e-learning website, kinakailangang lamang sundin ng site visitor ang mga sumusunod na hakbang:

 

(1) I-click ang folder icon, “Enhancing Social Protection of Vulnerable Workers”;

(2) Ang pahina ay magbubukas sa isang pang pahina na may folder icon, “Bureau of Workers with Special Concerns Courses.”  I-click ito upang buksan ang kursong, Introduction to Batas Kasambahay (Domestic Workers Act).

(3) Sa homepage, mayroong icon sa ibabang bahagi na “Courses” at “Enrol” action tab na dapat i-click kung nanaisin ng isa na mag-enrol sa nasabing kurso.

 

“Madaling ma-access at intindihin ang online course. Ito ay isang madaling paraan upang alamin ang batas na hindi na kakailanganin pang pumasok ng paaralan upang pag-aralan ito,” dagdag niya.

 

Sinabi ni Baldoz na ang dapat lamang gawin ng site visitor ay pumunta sa pinakamalapit na opisina ng DOLE sa kanilang lugar, o kahit saang Internet café, o computer shop, at mag-enrol online.

 

“Maaari din itong pag-aralan sa kanilang tahanan kung ang kasambahay ay may laptop o desktop computer at internet,” ani Baldoz.

 

Ayon kay Director Satumba, nilalayon ng online course na bigyang-kaalaman ang mga kasambahay at ang kanilang employer, gayundin ang mga pribadong employment agencies, ukol sa mahahalagang bahagi ng Batas Kasambahay.

 

Nakasaad sa online course ang mga sumusunod na paksa:  (1) saklaw ng batas; (2) benepisyo; (3) karapatan at pribilehiyo ng kasambahay; (4) tungkulin at responsibilidad ng employer.

 

Sinabi ni Satumba na nilalayon din ng BWSC na bumuo ng iba pang online course ukol sa mga batas at programa para sa kapakanan at proteksiyon ng mga manggagawang nasa delikadong kalagayan.

 

Samantala, ipinahayag ni Baldoz na inaprobahan na ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board-Cordillera Administrative Region ang bagong wage order, W.O. No. CAR-DW-01, na nagtataas sa minimum na pasahod sa mga kasambahay sa nasabing rehiyon  na hindi bababa sa P2,500 para sa mga chartered cities at first-class municipality at P2,000 sa iba pang municipality classes.

 

Mas mataas sa nakasaad sa R.A. 10361 ang bagong sahod na ibinatay sa kasalukuyang kondisyon ng ekonomiya ng nasabing rehiyon at napagkasunduan matapos ang konsultasyon ng mga kinauukulan.

 

“Aking pinupuri at pinasasalamatan ang RTWPB-CAR bilang unang wage board na nagpatupad sa pagtaas ng sahod ng mga kasambahay mula ng ipasa ang batas noong 2013,” ani Baldoz.

 

END/GMEArce

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry