Maraming oportunidad sa empleo ang naghihintay sa mga naghahanap ng trabaho sa gaganaping job fair ngayong Nobyembre ng Kagawaran ng Paggawa at Empleo (DOLE) sa pakikipagtulungan ng Public Employment Service Offices (PESOs). Sa ulat ni Director Dominique Rubia-Tutay ng Bureau of Local Employment kay Kalihim Silvestre H. Bello III, sinabi niyang may 23 job fairs ang nakatakda ngayong Nobyembre sa Region 3, 6, 7, 9, 10, 11, 12, CAR at Caraga. “Inaasahan namin na madaragdagan pa ang bilang ng job fairs ngayong Nobyembre kapag naiayos na ng iba pang DOLE regional offices ang kani-kanilang schedule,” dagdag niya. Batay sa huling tala ng Nobyembre 9, 2016 sa PhilJobnet, ang job search at skills matching portal ng pamahalaan, ang mga sumusunod ang schedule ngayong Nobyembre: Nobyembre 11: LGU President Quirino Municipal Hall Compound; Jose Songco Gymnasium, Cangatba, Porac, Pampanga; City Gymnasium, Valencia City, Bukidnon; Nobyembre 12: Waltermart Pampanga; Nobyembre 14: Don Ruben Gymnasium; Gov. Ben Palispis Hall, Capitol, La Trinidad, Benguet; Nobyembre 15: Ateneo de Zamboanga University; Brgy. Dapdap Multipurpose Bldg. Madapdap Resettlement, Dapdap, Mabalacat City, Pampanga; Nobyembre 18: Capitol Lobby, Isulan, Soccsksargen; 3rd Floor Mess Hall, Iloilo City Hall, Iloilo City; 5th Floor Abanao Square, Baguio City; Nobyembre 19: Covered Court, Pandi Residence I, Brgy Mapulang Lupa, Pandi, Bulacan; Nobyembre 23: Esperanza Gymnasium, Sultan Kudarat; Nobyembre 26: Bohol Cultural Center, CPG. Avenue, Tagbilaran City; Alturas Mall, Bohol; Nobyembre 28: SMX Convention Center, SM Lanang Premier, J.P. Laurel Ave., Davao City Hinimok ni Director Tutay ang mga naghahanap ng trabaho na samantalahin ang pagkakataong iniaalok mula sa mga nasabing job fair, sa dahilang mabisang paraan ang pagsamahin ang mga employer at mga aplikante sa iisang lugar. “Inaanyaya namin ang mga naghahanap ng trabaho na pumunta sa mga nasabing job fair dahil napapadali nito ang pagkikita ng mga kompanyang naghahanap ng empleyado at ang mga aplikanteng naghahanap ng trabaho,” ani Tutay. Kanya ding pinaalalahanan ang mga aplikante na dalhin ang mga sumusunod na dokumento bago sila magpunta sa job fair: resumé o curriculum vitaé; 2×2 ID pictures (magdala ng maraming kopya para sa maraming aplikasyon); certificate of employment (para sa mga dating may trabaho); diploma; transcript of records; at authenticated birth certificate. Sinabi ng BLE Director na ang mga nabanggit na job fair ay sa pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang employer, lokal na pamahalaan ng kani-kanilang PESO, academic institution, at DOLE regional offices. Kanyang idinagdag na makikita ng mga aplikante ang regular updates ng DOLE job fair schedules at venue sa www.philjobnet.gov.ph/jobfair-schedule END/TDL/GMEArce

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry