Inatasan ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III ang lahat ng regional directors ng kagawaran na ipalathala ang listahan ng contractors at subcontractors na mag-expire o nag-expire na ang rehistro para sa pagre-renew ng kanilang certificate batay sa nakasaad sa bagong department order na nagbabawal sa labor-only contracting at iba pang uri ng pangongontrata na labag sa batas.

Upang matiyak na pareho ang pagpapatupad ng Department Order No. 174, sinabi ni Bello na kailangang mag-sumite ang lahat ng contractors at subcontractors sa kani-kanilang rehiyon ng aplikasyon para sa renewal ng kanilang certificate upang maisama sa Registry of Legitimate Contractors, Subcontractors and Service Providers.

“Ang mga contractors at subcontractors na may expired na rehistro ay inaatasan na huminto sa kanilang gawain samantalang iyong mag-expire pa lang ang rehistro ay inaatasan na i-renew ang kanilang certificate of registration 30 araw bago ito mag-expire,” ani Bello.

Sinabi din ng kalihim na ang lahat ng pending applications para sa renewal ng certificates at naka-pending na kaso sa paggawa, gayundin ang pagkakansela ng rehistro, ay reresolbahin at imo-monitor ng labor compliance officers.

Sa kabilang banda, ang kontrata at kasunduan na ipinairal sa ilalim ng D.O. No. 18-A, series of 2011, ay hindi dapat mabawasan o mapaliit ayon sa nakatakda sa Labor Code. Ang karapatan, benepisyo at obligasyon ng mga partido sa kasalukuyang Service Agreement o Employment Contract sa ilalim ng naunang department order ay kikilalanin hanggang sa ito ay mag-expire.

Hindi rin kinakailangang mag-sumite ng renewal application ang mga contractors at subcontractors na naka-rehistro sa ilalim ng D.O. No. 18-A dahil ito ay nasasakop ng ipinatutupad na kondisyon sa ilalim ng D.O. No. 174.

 

“Kailangan nating tiyakin ang parehong pagpapatupad ng bagong department order para sa pagsunod ng lahat ng contractors, subcontractors, at service provider.  Nakahanda ang aming inspection team sa pamumuno ni Undersecretary Joel B. Maglunsod upang siguruhin ang pagtupad sa pamantayan sa paggawa at ang mga umiiral na batas-paggawa,” ani Bello.

Binigyang-diin ng Kalihim na seryoso ang DOLE sa pagpapatupad ng bagong department order, na nagkaroon ng bisa noong Abril 3, 2017, na naglalayong wakasan ang labor-only contracting at iba pang uri ng kasunduan na lumalabag sa batas-paggawa.

 

END/Abegail De Vega/GMEArce

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
2