Mas mahigpit at epektibo nang ipatutupad ang labor laws compliance system (LLCS) matapos na maglabas ng Administrative Order No. 159 si Labor Secretary Silvestre H. Bello III na bubuo ng LLCS Regional Inspection Audit Team.

 

“Ang mga opisyal at empleyado ng DOLE ay inaasahang magtrabaho ng may katapatan at mas mahigpit na ipatupad ang mga batas sa paggawa, higit sa lahat ang mga kawani na kabilang sa implementasyon ng pagsunod sa LLCS general labor at occupational health and safety standards,” ayon kay Bello.

 

Inatasan na ng kalihim si Undersecretary Joel Maglunsod upang pamunuan ang audit team bilang Chairman, kasama si Undersecretary Bernard Olalia bilang co-chairperson.

 

“Ang regional inspection audit team ay nasa ilalim ng aking direktang superbisyon upang matiyak ang tamang pagpapatupad ng labor laws compliance system,” ayon pa sa kalihim.

 

Ang grupo ay kinabibilangan nina Asst. Secretaries Maria Gloria A. Tango at Federico V. Abuan bilang mga vice chairperson, kasama sina Occupational Safety and Health Center Executive Director Noel C. Binag, Bureau of Working Conditions Director Teresita S. Cucueco, Bureau of Labor Relations Director Benjo Santos M. Benavidez, Bureau of Workers with Special Concerns Director Ahmma Charisma Lobrin-Satumba, at Bureau of Local Employment Director Dominique R. Tutay, bilang mga miyembro.

 

Ang mga itinalagang opisyal ay aagapay sa mga regional director at mga labor laws compliance officer para sa implementasyon ng LLCS. Sila rin ang tutukoy sa mga isyu at kakulangan sa polisiya at operasyon ng mga LLCS at magbibigay ng mga rekomendasyon upang maresolba ang mga ito.

 

# # # GSR/ Paul Ang

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry