Sa layuning gawing simple at magkakapareho ang iba’t ibang polisiya ng pamahalaan, inatasan kahapon ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III ang Bureau of Local Employment na pag-aralan ang Department Order No. 146-15, series of 2015, o ang Rules and Regulations on the Issuance of Employment Permit Foreign Nationals.

“Mas magiging maganda ang serbisyong maibibigay natin sa ating kliyente kung gagawing simple ang patakaran at tityakin na ang pag-proseso ng Alien Employment Permit ay pareho sa ibang polisiya ng pamahalaan. Ito rin ay mangangahulugan ng pag-angat at mas maayos na pag-nenegosyo sa ating bansa, at makakatulong upang mabawasan ang red tape,” ani Bello.

Batay sa ulat ni Director Dominique Tutay ng BLE, sinabi ni Bello na magsasagawa ng consultation-workshop ang DOLE AEP regional implementers, med-arbiter, technical support service division chiefs at ang mga focal person ngayong Pebrero 21-22, 2017/

“Tatalakayin sa workshop ang mga usapin ukol sa pag-iisyu ng AEP. Ang layunin ay magkaroon ng iisa, napapanahon, at epektibong pagbabago na makakabuti sa ekonomiy at mapapangalagaan ang interes ng mga manggagawang Filipino,” ani Bello.

Sa kabilang banda, sinabi ni Tutay na pangangasiwaan ng BLE ang workshop bilang paghahanda sa pagpapatupad ng Joint Memorandum Circular (JMC) on the Rules and Procedures Governing Foreign Nationals Intending to Work in the Philippines.

“Magsasagawa ng workshop ang BLE bilang paghahanda sa iba’t ibang pagbabago sa pamamaraan sa pagbibigay ng permit at visa sa mga dayuhan na nagnanais magtrabaho sa Pilipinas, partikular sa mga posisyon na maaaring mag-praktis ng propesyon at mga employer na maaring sakop ng Anti-Dummy Law,” ani Tutay.

Nilalayon din ng JMC na pagparehohin ang iba’t ibang polisiya ng pamahalaan ukol sa pagtatrabaho ng dayuhan sa Pilipinas.

END/CTM/GMEArce

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry