‘Final and executory’ na ang resolusyon na inilabas ng Department of Labor and Employment (DOLE) na nag-aatas sa Philippine Long Distance Telephone Company (PLDT) na i-regular ang 7,306 na manggagawa.

Ibinasura ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang motion for reconsideration ng PLDT kaugnay sa resolusyon na inilabas ng DOLE noong Enero 10, 2018 na nag-aatas sa kumpanya at mga kontraktor nito na gawing regular ang mga manggagawa at bayaran ang kanilang unpaid monetary benefits na aabot sa P51.6 milyong piso.

Sa resolusyon ni Bello na pirmado noong Abril 24, ibinasura niya ang ‘appeal for lack of merit’ ng PLDT at 35 na kontraktor nito habang pinagbigyan naman ang apela ng apat na iba pang kontraktor.

Binigyang diin ng DOLE ang direktiba nito sa mga kontraktor na napatunayang sangkot sa labor-only contracting at itigil na ang pagsasagawa ng ‘contracting activities.’

Kabilang rito ang Activeone Health Inc, Aremay Enterprise, BBS-VPN Allied Services Corporation Philippines, Best Options Assistance, Inc., Comworks Inc.; Consolidated Management Resources; Curo Teknika, Inc., at Diar’s Assistance, Inc.

Kahalintulad na utos rin ang ipinataw sa El Grande Messengerial Services, Inc., Fastel Services Inc., Goodline Staffers and Allied Services, Inc., Implicare International Management Resources Inc., Information Professionals, Inc., Iplus Intelligent Network, Inc., JFM Installation and Telecom Services, Inc., LBP Service Corporation, MD Tambungui Specialists Inc., MG Exeo Network Inc., Meralco Industrial Engineering Services Corporation, MIROF Resources Inc., Proserve Multi Resources Specialists Inc., Searchers and Staffers Corporation, Serveflex Inc., Sitefel Marketing, Software Laboratories, SPi CRM, Inc., Tejo Management Services, Inc., Transbio Incorporated, Trends and Technologies and Service Maintenance, Unison System Computer, Inc., Upsight Construction Inc., at We Support Inc.

Inatasan naman ng kalihim ang mga DOLE Regional Director na magsagawa ng naaayong aksyon laban sa mga nasabing kontraktor alinsunod na rin sa inilabas na resolusyon.

Pinagbabawalan na rin ang mga opisyal ng nasabing mga kontraktor na magpatuloy sa negosyo ng pangongontrata.

Sa kabilang dako, idineklara naman ng DOLE bilang lehitimong kontraktor ang Customer Frontline Solutions Inc., Pro Tek Telecoms Support Inc., SL Temps; St. Clair Security and Investigation Inc., at Trigold Security & Investigation Agency Incorporated.

Nabayaran na rin ng ilang kontraktor tulad ng Digital Solution and Services, Inc., El Grande Messengerial Services, Inc., MG Exeo Network Inc., MIROF Resources Inc., Pointman Placement Specialist, at Searchers and Staffers Corporation ang mga hindi nito nabayarang monetary claim ng kanilang mga empleyado.

Magugunitang noong Hulyo 3, 2017 at Hulyo 12, 2017, inatasan ng DOLE National Capital Region (NCR) ang PLDT at mga kontraktor nito na i-regular ang nasa 8,000 kontraktuwal na manggagawa at bayaran ang P66 milyong pisong unpaid benefit matapos na mapatunayang sangkot sila sa labor-only contracting activities at lumabag sila sa general labor standards.

END/ Abegail De Vega/ Paul Ang

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry