Nanawagan kahapon ang labor department sa mga naghahanap ng trabaho, partikular ang mga manggagawang bumalik ng Pilipinas at mga magtatapos na estudyante, na samantalahin ang mga oportunidad na iaalok sa gaganaping Trabaho, Negosyo, Kabuhayan (TNK) job and business fair sa Marso 26 sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.

“Maglalagay ng special lane para sa mga umuwing OFW, lalo na iyong mga nanggaling sa Kuwait, upang maalalayan sila. Iaakma namin ang kanilang kakayahan at karanasan sa pagtatrabaho, sa mga oportunidad na trabaho sa ating bansa o bibigyan natin sila ng libreng pagsasanay, kung kinakailangan,” ani Labor Secretary Silvestre H. Bello III.

Maliban sa libong oportunidad sa trabaho mula sa iba’t ibang lokal na employer at private recruitment agency, may mga oportunidad din sa mga manggagawa para sa construction industry sa gaganaping one-day fair.

Sinabi ni Bello na ang pangangailangan ay dahil sa proyektong ‘Build, Build, Build’ ng administrasyong Duterte.

Upang makaiwas sa mahabang proseso ng pagpaparehistro, pinayuhan ni Bureau of Local Employment (BLE) Director Dominique Tutay ang mga naghahanap ng trabaho na mag pre-register sa PhilJobNet, ang opisyal na job search, job matching, at labor market information portal ng pamahalaan, mula Marso 12 hanggang 21.

Maaaring mag log-in ang mga naghahanap ng trabaho sa PhilJobNet portal (https://philjobnet.gov.ph/), pindutin ang ‘job fair’, at pindutin ang ‘click join job fair’ para sa TNK Cuneta Astrodome. Pindutin ang ‘yes’ para sumali sa job fair at mag pre-register.

Dapat na i-print ng aplikante ang job fair pre-registration online stub at ipakita ito sa event organizer sa registration area sa araw ng job fair.

Pinaalalahanan ni Bello ang mga aplikante na ihanda ang mga kinakailangang dokumento tulad ng resume o curriculum vitae (magdala ng maraming kopya para sa iba’t ibang aplikasyon); 2 x 2 ID pictures; certificate of employment para sa mga dating nagtatrabaho; diploma at/o transcript of records; at authenticated birth certificate.

Ang job and business fair ay pinagsamang proyekto ng labor department, lokal na pamahalaan ng Pasay City at ng Public Employment Service Office (PESO), Department of Trade and Industry (DTI), at ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

END/aldm/gmea

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry