Hinimok kahapon ni Labor and Employment Secretary Silvestre H. Bello III ang mga naghahanap ng trabaho na pumunta sa Trabaho, Negosyo, At Kabuhayan (TNK) Caravan na gaganapin sa Marso 3 at 4 sa River Banks Center sa Marikina City at sumali sa learning sessions na gaganapin sa unang araw ng TNK Caravan.

“Pinapayuhan ko ang mga lalahok na sumali sa learning sessions na gaganapin sa unang araw ng caravan bago sila pumunta sa job fair sa ikalawang araw. Ang mga lectures na ito ay magbibigay sa kanila ng mga impormasyon sa merkado sa paggawa at mga tips kung paano sila makakapag-umpisa ng kanilang negosyo,” ani Secretary Bello.

Hinihimok ang mga naghahanap ng trabaho at mga magtatapos na estudyante na makinig sa mga learning sessions tungkol sa employment coaching, karapatan at benepisyo ng mga empleyado, mga tips sa pag-uumpisa at pagpapalago ng negosyo at kung paano makakukuha ng tulong mula sa pamahalaan.

Sa employment coaching session na may titulong, Kasanayan sa Paghahanap ng Trabaho, tatalakayin ng isang kinatawan mula sa Bureau of Local Employment (BLE) ang mga oportunidad sa trabaho sa mga pangunahing industriya ng ating bansa, mga kinakailangang kasanayan ng mga employer, at ang ginagawa ng pamahalaan upang maitugma ang trabaho sa manggagawa o job matching.

Sa session ukol sa karapatan at benepisyo ng manggagawa na may titulong, Kagalingan at Karapatan ng Manggagawa, ang mga kinatawan mula sa Bureau of Labor Relations (BLR) at Bureau of Working Conditions (BWC) ay magsasalita tungkol sa mga tiyak na probisyon sa Labor Code tulad ng klasipikasyon ng manggagawa, karapatan sa paggawa, pangkagalingan, kalusugan at kaligtasan, at mga benepisyong itinakda ng batas.

Magbibigay naman ng panayam ang Department of Trade and Industry sa mga interesadong magtayo ng negosyo kung paano sila maaaring makapag-simula at kung paano nila mapapalago ang kanilang negosyo.

Ang pagsasanay ay magbibigay ng impormasyon sa kung sino ang maaring mag-negosyo; ano ang mga katangiang kailangang taglayin para magtagumpay sa negosyo; ang mga pagsubok at tagumpay sa negosyo; ang benepisyo ng tamang pagpaplano sa negosyo; ang kahalagahan at paraan sa pagrehistro ng negosyo. Tatalakayin din ang mga programa at serbisyo ng pamahalaan para sa mga nagnanais mag-negosyo o iyong mayroon nang negosyo

Bilang pangwakas, tatalakayin ng kinatawan mula sa Bureau of Workers With Special Concern (BWSC) ang DOLE Integrated Livelihood Program (DILP). Ang DILP ay tulong-alalay ng Department para sa nagnanais magtayo ng negosyo, o iyong may negosyo na, at para sa mga may negosyong napinsala dahil sa kalamidad.

Ilulunsad sa dalawang araw na gawain ang pinagsamang programa ng DOLE at DTI ang Trabaho, Negosyo, Kabuhayan sa Marikina City. Nilalayon nitong magbigay ng mga oportunidad sa trabaho at magtatag ng negosyo sa lokalidad. Ang caravan ay sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan ng Marikina at ng Tanggapan ni Congressman Bayani Fernando.

END/aldm/GMEArce

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry