Inaprobahan ng Asian Development Bank (ADB) ang $300-milyong pautang para suportahan ang serbisyong pang-empleo ng pamahalaang Pilipinas sa layunin nitong tulungan ang mga kabataang Filipino na mabigyan ng maayos na trabaho, pahayag kahapon ng Department of Labor and Employment (DOLE).

 

Sakop ng policy-based loan ang unang bahagi ng Facilitating Youth School-to-Work Transition, isang programa na naglalayong lumikha ng trabaho sa ilalim ng 10-point agenda at 2017-2022 Philippine Development Plan ng pamahalaang Duterte, na ipinatutupad ng DOLE sa pakikipagtulungan ng iba pang ahensiya at ng lokal na pamahalaan.

 

Malugod na tinanggap ni Labor and Employment Secretary Silvestre H. Bello III ang balita, at kanyang ipinahayag na kinakailangang palakasin ang Public Employment Service Office (PESO) sa buong bansa sa paghahanda sa mga kabataan para sa mas produktibong empleo.

 

Kanyang sinabi na sa bagong tanggap na tulong, mas palalawakin ng DOLE ang implementasyon ng mga programang pang-empleo para sa mga kabataan sa pagdaragdag ng bagong lugar, kasama ang Baguio City, at Ilagan at Santiago na parehong nasa Isabela, Cagayan Valley.

 

Kabilang sa programa ang pagpapatupad ng mga polisiya ng pamahalaan upang iangat ang antas ng empleo ng kabataan. Susuportahan din ang pag-reistraktura ng PESO at labor market activation program at pagpapatupad ng mga bagong serbisyo para sa mga kabataan, at pagpapalakas ng programang pagsasanay at apprenticeship.

 

“Ang paglikha ng trabaho para sa kabataan ay mahalaga upang mabawasan ang kahirapan at income inequality,” ani Bird, Director for Public Management, Financial Sector, and Trade Division ng ADB Southeast Asia department.

 

Sa kabila ng mabilis na pag-unlad ng Pilipinas na may annual average na 6.3% sa pagitan ng 2010 at 2016, at sa matatag na pag-unlad sa merkado sa paggawa, patuloy pa ring dumaranas ng suliranin sa pag-empleo ng kabataan dahil sa mabagal na school-to-work transition. Batay sa pag-aaral ng ADB, isa lamang sa limang nagtapos ng high school sa Metro Manila at Cebu City ang nakakahanap ng trabaho sa loob ng isang taon na ito ay umalis ng paaralan. Noong 2013, isa sa apat na kabataan ang walang trabaho, edukasyon o pagsasanay, ikalawa sa Indonesia.

 

Kinilala ng pamahalaan ang ilan sa suliranin ng mga kabataang Filipino sa kanilang transisyon sa pag-aaral tungo sa pagtatrabaho, kasama ang hindi sapat at kakulangan sa pondo para sa serbisyong pang-empleo ng pamahalaan at kahinaan sa post-high school training.

 

Bilang tugon sa mga nabanggit na suliranin, inamyendahan ang PESO Act of 1999 noong 2015 at iniatas ang institusyonalisasyon ng PESO sa lahat ng lokal na pamahalaan at pagtitiyak ng pondo para sa kanila. Inamyendahan din ng pamahalaan ang Special Program for the Employment of Students Act na nag-aatas ng pagbabayad sa internships ng mahihirap na estudyante upang matiyak ang kanilang pag-aaral sa kolehiyo. Isinabatas din ang institusyonalisasyon at pagpopondo para sa JobStart Philippines Program sa buong bansa na nagbibigay ng skills training at internships sa mga out-of-school youth upang itaas ang kanilang oportunidad para sa produktibong empleo.

 

Ang ADB, na naka-base sa Manila, ay naglalayong mabawasan ang kahirapan sa Asia at sa Pacific sa pamamagitan ng inclusive economic growth, environmentally sustainable growth, at regional integration. Nagtala na ang ADB ng 50 taon na development partnership sa Asia nitong December 2016. Ito ay pag-aari ng 67 miyembro—48 mula sa rehiyon. Nitong 2016, may kabuuang $31.7 bilyong tulong ang naibigay ng ADB, kabilang ang co-financing na $14 bilyon.

 

### BLE/GMEArce

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry