Sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III kahapon na ang Kongreso lamang, at hindi ang executive department, ang nasa posisyon upang kumilos para sa isininusulong na nationwide P125 across the board wage increase.

 

“We are into adjusting wages of our workers. But an across-the-board wage increase is not within our mandate,”sabi ni Bello na pinatungkol ang Republic Act 6727 o ang Wage Rationalization Act.

 

“Ito ay nasa hurisdiksyon ng Kongreso. Kinakailangan na sumailalalim ito sa legislative act. Ang mungkahing P125 pagtaas ng sahod ay hindi sakop ng aming kapangyarihan. Hindi binigyan ng kapangyarihan ang DOLE na magtakda ng pagtaas ng sahod dahil ito ay nasa ilalim ng pangangasiwa ng Kongreso.  Kinakailangan itong dumaan sa lehislatura para maging batas,” ani Bello.

 

Gayunpaman, sinabi ng Kalihim na ang lahat ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ay nasa ilalim pa rin ng kautusan na magsagawa ng wage review at public consultation upang alamin kung kinakailangang magkaroon ng pag-aayos sa sahod sa kani-kanilang nasasakupan.

 

Kanyang idinagdag na ang pagtaas ng sahod ay magkakaroon ng implikasyon sa halaga ng pagnenegosyo, at dahil dito, ito rin ay makakaapekto sa desisyon ng kompanya at establisyamento sa paggawa ng produkto, pagkuha ng manggagawa, at presyo ng kanilang produkto.

 

“Ipagpapatuloy ng Regional Wage Boards ang kanilang pag-aaral at konsultasyon para sa posibleng pag-aayos ng sahod sa regional level. Ang regional wage board ang siyang magsasagawa ng periodic assessment ng kani-kanilang rehiyon. Sila ang magsusumite ng rekomendasyon kung dapat magkaroon ng pagtaas ng sahod sa kanilang rehiyon,” ani Bello.

 

Binanggit din ni Bello ang ginawang pag-aaral ng National Economic Development Authority (NEDA) sa maaaring maging epekto ng panukalang P125 pagtaas ng sahod. Batay sa pag-aaral, ang panukalang pagtaas sa sahod ay maaaring mag-resulta ng pagtaas ng halaga mula 2017 tungo sa 2018, at ito ay mas higit na mararamdaman sa 2017, kung saan ang inflation ay maaaring tumaas ng 9.7 percent mula sa baseline na 2.1 percent.

 

Noong nakaraang Setyembre, nagpalabas ng memorandum si Bello kung saan inatasan niya ang lahat ng RTWPB na magsagawa ng public consultation sa panukalang P125 pagtaas ng sahod. Nilalayon ng pambansang konsultasyon na pag-aaralan ang pagtatakda ng batas para sa P125 pangkalahatang pagtaas ng sahod para sa mga manggagawa sa pribadong sektor na isusumite sa ika-17 Kongreso.

 

END/CTM/GMEArce

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry