Patuloy na lumalaki ang bilang ng overseas Filipino workers (OFWs) na nakikinabang sa pinalakas na serbisyo ng pamahalaan mula sa One-Stop Service Center for OFWs (OSSCO) ng Department of Labor and Employment (DOLE).

 

Batay sa pinakahuling ulat mula sa Philippine Overseas Employment Administration, tinatayang may 600,000 OFWs ang nakatanggap ng serbisyo mula sa OSSCO sa buong bansa.

 

Iniatas ni Labor and Employment Secretary Silvestre H. Bello III ang pagtatatag ng service center noong nakaraang taon bilang tugon sa direktiba ni Presidente Rodrigo R. Duterte na ilapit ang serbisyo ng pamahalaan sa mga OFWs.

 

“Itinatag ng aming ahensiya at iba pang tanggapan ng pamahalaan ang One-Stop-Service Center upang tiyakin na naibibigay ng mabilis at napapanahon ang iba’t ibang serbisyo ng pamahalaan sa ating OFWs,” ani Bello.

 

Batay sa ulat, ang panguhaning OSSCO, na matatagpuan sa tanggapan ng POEA sa Mandaluyong City, ay nakapagbigay ng serbisyo sa may 463,423 OFWs nitong Marso 31, 2017 o wala pang isang taon matapos itong mailunsad noong Agosto 15, 2016.

 

Nakasaad din sa ulat na tumugon din ang pangunahing service center sa 209,244 katanungan; nakatanggap ng kabuuang 299,629 dokumento para maproseso; nag-isyu ng 31,365 certificates; at nakapag-bigay ng tulong sa 2,499 kliyente.

 

Nakapagtala naman ang regional service centers ng kabuuang 37,974 kliyente mula sa 16 OSSCO na itinataga sa buong bansa.
Sinabi ni Bello na layunin ng OSSCO na paigsiin ang panahon sa pagproseso ng mga dokumento ng OFW, kanyang idinagdag na layunin din ng DOLE na mabawasan ang gastusin ng OFW sa dahilang ang lahat ng kinakailangang serbisyo mula sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan ay matatagpuan na sa iisang lugar.

 

Ang mga katuwang na ahenisya ng pamahalaan sa OSSCO ay ang Department of Foreign Affairs (DFA), Philippine Overseas Employment Administration (POEA), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Professional Regulation Commission (PRC), Maritime lndustry Authority (MARINA), Home Development Mutual Fund (HDMF), Philippine Health lnsurance Corporation (PhilHealth), Social Security System (SSS), Philippine Statistics Authority (PSA), Bureau of Immigration (BI), National Bureau of lnvestigation (NBI), Commission on Higher Education (CHED), Tourism lnfrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA), Philippine National Police (PNP), at Bureau of lnternal Revenue (BIR).

 

Bilang karagdagan, iniulat din ng POEA na may 60,778 kliyente ng 24/7 Hotlines ang natugunan ang mga katatanungan, isyu at suliranin na may kinalaman sa OFW.

 

Hinihikayat ang mga Filipino na kasalukuyang nagtatrabaho o nagpaplanong magtrabaho sa ibang bansa na pumunta sa service center na matatagpuan sa POEA Central Office at sa 16 regional centers  para matugunan ang kanilang mga pangangailangan mula 8:00 n.u. hanggang 5:00 n.h., Lunes hanggang Biyernes.

 

END/ Abegail De Vega /GMEArce

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry