Dinagsa ng kabuuang 66,425 na aplikante, habang 6,302 sa kanila ay Hired-On-The-Spot (HOTS) sa ginanap na Trabaho, Negosyo, Kabuhayan (TNK) Caravan 2017 ng Department of Labor and Employment (DOLE) noong Lunes.

 

Pinangunahan ng DOLE, sa pakikipagtulungan ng Department of Trade and Industry (DTI), at iba’t ibang local government units (LGU) ang nasabing nationwide job fair na tampok sa selebrasyon ng ika-115 Araw ng Paggawa noong Mayo 1.

 

Sa ulat na isinumite ni Bureau of Local Employment (BLE) Director Dominique Tutay kay Labor Secretary Silvestre H. Bello III, ang nationwide job fair ay isinagawa sa 54 na lugar at nakapaghandog ng 230,000 na bakanteng trabaho mula sa 1,200 na lumahok na mga employer.

 

Sa kabuuang 66,425 aplikante, ang National Capital Region (NCR) ang nakakuha ng pinakamataas na bilang ng mga nagparehistrong aplikante na may 18,962; na sinundan ng Region 7 sa 10,765; at Region 3 na may 7,464 job seekers.

 

Batay rin sa kabuuang bilang ng mga nagparehistrong aplikante, 30,103 sa kanila ay mga kalalakihan habang 36,322 naman ang kababaihan.

 

Nagbigay rin ang nationwide job fair ng samu’t-saring oportunidad sa trabaho sa kabuuang 6,302 aplikante na agad ring natanggap sa trabaho ng mga lumahok na employer.

 

Lumalabas rin sa nasabing bilang na ang NCR ang nakakalap ng pinakamaraming HOTS sa 2,498, na sinundan ng Region 10 sa 827, at ng Cordillera Administrative Region (CAR) sa bilang na 738.
Ayon kay DOLE NCR Regional Director Johnson Cañete, ang Kagawaran ng Paggawa ay patuloy na humahanap ng paraan upang mas ilapit pa sa Pilipino ang trabaho at kabuhayan sa pamamagitan ng paglulunsad ng mga job fair sa mga lungsod at munisipalidad sa tulong na rin ng iba’t ibang LGU sa bansa.

 

“Libo-libong oportunidad sa trabaho ang nakalaan para sa ating mga kababayang Pilipino na maaari nilang pasukan. Karamihan sa mga may pinakamaraming bakanteng posisyon ay sa sektor ng serbisyo, at industriya ng BPO o mga call center agents,” dagdag pa ni Cañete.

 

Sa kabilang dako, may kabuuan ring 32,782 job hunters ang itinuturing na mga ‘near hires’ habang 48,702 mga aplikante naman ang pumasa sa inisyal na proseso ng pagtanggap sa trabaho.

 

Sa ginanap ring job fair, may kabuuang 54,468 job interviews ang isinagawa kung saan ang 43,633 ay para sa lokal na trabaho at 10,835 naman ay para sa oportunidad ng trabaho sa ibang bansa.

 

Nilalayon rin ng aktibidad na linangin ang kasanayan ng mga aplikante dahil 1,382 na indibidwal na ang nakatakdang tulungan ng TESDA para sa skills training habang 737 naman ang nabigyan ng tulong pangkabuhayan.

 

Hinimok rin ni Cañete ang mga employer na mahigpit na sumunod sa bagong pasang batas sa Anti Age Discrimination na nagbabawal sa paglalagay ng limitasyon sa edad sa proseso ng aplikasyon at pagtanggap sa trabaho.

 

“Naiintindahan namin na ang mga employer ay hindi pa gaanong batid ang bagong batas sa Anti Age Discrimination. Mahigpit na itong ipinatutupad ng DOLE. Hinihikayat namin ang mga aplikante na isumbong sa amin kung makatagpo sila ng mga employers na nagtatakda ng limitasyon sa edad habang tumatanggap ng mga empleyado maliban na lamang kung ang kanilang rason ay itinatakda sa exemption sa batas,” paglilinaw ng opisyal.

 

Binigyang diin rin ng NCR Regional Director na mayroong iba’t ibang programa ang DOLE upang tugunan ang job mismatch tulad ng pagsasagawa ng nationwide job fair, JobStart program, at sa pamamagitan ng PhilJobNet, na isang online job matching website, kung saan mas madaling makahahanap ng trabaho ang mga aplikante na babagay sa kanilang kasanayan,” dagdag pa ni Cañete.

 

#Paul Ang

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry