Nakatanggap ng tulong mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang 35 overseas Filipino workers (OFWs) na bumalik mula sa Kuwait dahil sa iba’t ibang suliranin sa trabaho mula sa kani-kanilang employer.

Sinabi ni Deputy Administrator Brigido Dulay ng Overseas Workers Welfare Administration na dumating ng Maynila noong nakaraang linggo ang mga umuwing OFW na pawang kababaihan. Si Dulay ang nangangasiwa sa Repatriation Assistance Division (RAD) ng OWWA.

 

“Ang mga umuwing manggagawa, na nagtrabaho bilang household service worker sa Kuwait, ay may kani-kaniyang malungkot na karanasan, ilan sa mga ito ang hindi pagbabayad ng sahod, pang-aabuso, at mahabang oras ng pagtatrabaho,” ani Dulay.

 

Sa kanilang pagdating, nakatanggap mula sa OWWA ang mga umuwing OFW ng Assist W.E.L.L. (Welfare, Employment, Legal and Livelihood) program ng DOLE.

Para sa welfare component, binigyan ng airport assistance ang mga umuwing OFW, kasama ang pagsasaayos ng kanilang travel document mula sa Bureau of Customs (BOC) at Bureau of Immigration (BOI).

Binigyan din nila ng pansamantalang matitirhan ang mga umuwing OFWs sa OWWA Halfway Home, masasakyan papuntang bus terminal at pamasahe pauwi sa kani-kanilang probinsiya.

 

Para naman sa trabaho, ang mga umuwing OFW ay bibigyan ng referrals para sa lokal na trabaho sa pamamagitan ng Bureau of Local Employment (BLE) o trabaho sa ibang bansa sa tulong ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), gayundin ang pagsasanay sa ilalim ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Para naman sa livelihood component, sila ay pinayuhan na may programang tulong-pangkabuhayan na ibinibigay ng National Reintegration Center for OFWs (NRCO) at pautang mula sa OWWA kung nanaisin nilang magtayo ng sariling negosyo.

 

Samantala, para naman sa mga usaping legal sa kanilang ahensiya, tulad ng hindi pagbabayad ng sahod, nakatanggap sila ng legal na payo mula sa Single Entry Approach (SEnA).

Itinatag ang Assist WELL Processing Center sa tatlong attached agencies at 17 regional offices ng DOLE upang tugunan ang pangangailangan ng OFWs sa kanilang pagbabalik sa Pilipinas.

Ang Assist WELL processing center sa National Capital Region (NCR) ay matatangpuan sa POEA Main Office-Ortigas, OWWA Main Office-Pasay City, at NRCO Main Office-Manila.

Sa regional offices, itinatag ang processing centers sa DOLE-CAR, Baguio City; POEA Regional Center, La Union; DOLE Region ll, Tuguegarao; DOLE Region lll, Pampanga; OWWA Regional Office lV-A, Calamba, Laguna; DOLE Region lV-B, Calapan, Mindoro; and DOLE Region V, Bicol; DOLE-Region Vl, Bacolod, OWWA Regional Welfare Office Vll, Cebu City; DOLE-Region Vlll-Tacloban; OWWA Regional Welfare Office lX-Zamboanga; DOLE-Region X, Cagayan de Oro; DOLE Region Xl, Davao Field Office; DOLE Region Xll- Koronadal; at POEA, CARAGA, Butuan City.

END/TDL/GMEArce

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry