Higit kumulang sa 300,000 overseas Filipino workers (OFW) na ang tumanggap ng serbisyo sa mga One-Stop Service Center for OFWs (OSSCO) ng Department of Labor and Employment (DOLE) – Philippine Overseas Employment Administration (POEA) sa loob lamang ng anim na buwan nitong operasyon.

Lumalabas sa ulat ni Deputy Administrator Aristodes Ruaro ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), mula noong Agosto nang nakaraang taon ay may kabuuang 281,900 OFW na ang humingi ng tulong sa center at mabilis na inasikaso ng mga ahensya sa OSSCO.

Sa nasabing mga buwan rin nakapagtala ng pinakamalaking bilang ng manggagawa na nai-proseso sa service center ng POEA na nagkaroon ng 65,492 OFW. Karamihan sa kanila ay humingi ng tulong para sa documentation of workers on leave o Balik-Manggagawa. Sinundan naman ito ng Overseas Workers Welfare Administration na nagserbisyo sa 57,922 OFW kung saan marami sa kanila ay nag-renew o nag-apply para sa membership.

Ang Home Development Mutual Fund naman ay naserbisyuhan ang 28,808 OFW na nag-apply para sa Pag IBIG membership, loyalty card, STL, at provident benefit claim.

Batay rin sa ulat ni Ruaro, ang Social Security System ay nakapaglingkod sa 34,545 manggagawa na nag-register at nag-amend ng membership data, nag-apply ng benefit loan claim, nag-check ng loan o contribution status, nag-enroll para sa Unified Multi-purpose ID Card (UMID) at nagtanong ukol sa iba’t ibang SSS concerns.

Sumunod rito ang PhilHealth na nakapagtala ng 25,492 naserbisyuhang OFW kung saan marami sa kanila ay nagbayad ng kanilang kontribusyon sa PhilHealth, nag-apply at nag-renew ng membership, at nagtanong sa ibang PhilHealth-related concerns.

Sa kabilang dako, may kabuuan namang 19,362 OFW ang naitala ng Department of Foreign Affairs na kinabibilangan ng mga sumailalim sa pre-processing ng passport applications at nagkaroon rin ng mga katanungan hinggil sa mga consular services.

Sa mga rehiyon naman tulad ng Zamboanga OSSCO at OWWA Regional Office No. 9 sa Zamboanga City nakapagtala ng pinakamalaking bilang ng naserbisyuhan na 5,638 kliyente at marami sa kanila ang nasagot ang mga katanungan at humingi ng tulong para sa OFW records issuance at ayudang legal.

Naserbisyuhan naman ng Iloilo ang may 1,820 na kliyente, na karamihan ay sumailalim sa proseso ng Balik-Manggagawa documentation.

Inilunsad ng DOLE-POEA ang OSSCO upang makapagbigay tulong sa mga OFW at maging sa mga nagbabalak magtrabaho sa ibang bansa ng mas pinalawak na serbisyo ng ibat ibang ahensya ng pamahalaan na mabilisan ring aagapay sa paglalakad ng kanilang mga papeles at iba pang serbisyo.

Ang OSSCO ay isa sa tugon ng DOLE sa kautusan ni Pangulong Rodrigo R. Duterte na mas padaliin para sa mga OFW ang pag-abot sa mga serbisyo ng pamahalaan, mapaiksi ang oras sa pagpoproseso ng kanilang mga dokumento at makatipid pa sila sa pamasahe.

#Paul Ang

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry