Nadaragdagan ang bilang ng overseas Filipino workers na patuloy na nakikinabang mula sa One-Stop Service Center for OFWs (OSSCO) ng Department of Labor and Employment – Philippine Overseas Employment Administration matapos nitong pagsamahin sa iisang lugar ang lahat ng ahensiya ng pamahalaan upang magbigay-serbisyo sa mga pangangailangan ng mga Filipinong nagtatrabaho o nagnanais magtrabaho sa ibang bansa.

Nitong Disyembre 7, umabot sa 219,697 kliyente ang nabigyan ng serbisyo ng OSCCO. Ang malaking bilang ay nagmula sa POEA-OSSCO na matatagpuan sa POEA Main Office sa Mandaluyong City. Samantalang ang region-based OSSCO sa Baguio, Pampanga, Calamba City, Palawan, Cebu, Iloilo, Tacloban, Zamboanga, at Koronadal City ay nakapagbigay ng serbisyo sa 6,222 kliyente.

Ang OSSCO sa POEA Main Office ang may pinakamalaking bilang ng kliyente sa nasabing panahon na may kabuuang bilang na 51,373 kliyente para sa documentation ng mga manggagawang nagbabakasyon o ang Balik-Manggagawa at nabigyan ng kasagutan sa mga katanungan ng OFW. Sinundan ito ng OWWA na nagbigay ng serbisyo sa 39,611 kliyente na nagpunta sa Center upang mag-renew o mag-apply ng OWWA membership at iba pang usapin ukol sa OFW.

Sa kabilang banda, ang Home Development Mutual Fund ang may pangatlong bilang ng mga kliyenteng binigyan ng serbisyo na umabot ng 28,808. Ito ay binubuo ng mga OFW na nag-apply ng Pag IBIG membership, loyalty card, STL, at provident benefit claim.

Ang Social Security System ay nagbigay ng serbisyo sa 29,288 kliyente na nagpa-rehistro at nagpa-update ng kanilang membership data, nag-apply ng benefit loan claim, bineripika ang kanilang loan o status ng contribution, nag-enroll para sa kanilang Unified Multi-purpose ID Card (UMID) at nagtanong sa mga usapin ukol sa SSS.

Ang PhilHealth ang nakapag-tala ng pang-apat na pinakamaraming bilang ng kliyente na nabigyan ng serbisyo na may 22,174. Ito ay binubuo ng mga OFW na nagbayad ng kanilang kontribusyon sa Philhealth, nag-apply o nag-renew ng kanilang membership, at nagtanong sa mga usapin ukol sa Philhealth.

Ang Department of Foreign Affairs ang panglima sa may pinakamaraming bilang ng kliyente na binubuo ng 16,002 OFWs para sa pre-processing ng kanilang passport application at nagtanong ukol sa iba pang serbisyo ng konsulado.

Sa mga rehiyon, ang Zamboanga-OSSCO sa OWWA Regional Office No. 9 sa Zamboanga City ang nagtala ng pinakamaraming bilang ng kliyente na nabigyan ng serbisyo na 2,871. Karamihan sa mga serbisyong ibinigay ay ang pagtugon sa mga katanungan ng OFW, pag-iisyu ng OFW record at pagbibigay ng tulong-legal. Ang Iloilo naman ay nakapagbigay ng serbisyo sa 900 kliyente, karamihan sa mga ito ay sumailalim sa Balik Manggagawa documentation.

Inilunsad ng DOLE ang OSSCO upang magbigay serbisyo sa mga OFW na nagtatrabaho o iyong nagnanais magtrabaho sa ibang bansa ng iba’t ibang serbisyo ng pamahalaan sa paglalagay sa iisang lugar ng lahat ng ahensiya ng pamahalaan na nagbibigay ng documentary service at iba pang tulong para sa mga kasalukuyang nagtatrabaho o nagpaplanong magtrabaho sa ibang bansa.

Sinabi ni Kalihim Silvestre H. Bello III na ang pagtatatag ng OSSCO ay isa sa mga tugon ng DOLE sa direktiba ni Presidente Rodrigo R. Duterte na gawing mas mabilis para sa mga OFW na makakuha ng serbisyo ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagpapaigsi ng oras sa pagproseso ng dokumento na nangangahulugan ng katipiran sa gastos sa pamasahe.

Ang POEA-OSSCO sa Mandaluyong, kasama ang mga nasa regional center, ay pinangangasiwaan ng 16 na ahensiya ng pamahalaan. Ang mga ito ay Department of Foreign Affairs (DFA), Philippine Overseas Employment Administration (POEA), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Professional Regulation Commission (PRC), Maritime lndustry Authority (MARINA), Home Development Mutual Fund (HDMF), Philippine Health lnsurance Corporation (PhilHealth), Social Security System (SSS), Philippine Statistics Authority (PSA), Bureau of Immigration (BI), National Bureau of lnvestigation (NBI), Commission on Higher Education (CHED), Tourism lnfrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA), Philippine National Police (PNP), at Bureau of lnternal Revenue (BIR).

END/GSR/GMEArce

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry