Ang mas pinalakas na ayuda at serbisyo ang nagbigay daan sa Department of Labor and Employment upang matulungan ang 18,577 na nagbalik at repatriated overseas Filipino workers (OFWs) sa kanilang mga pangangailangan sa ilalim ng programang Assist WELL.

 

Isang komprehensibong programa ang Assist WELL na nagbibigay ng reintegration assistance at serbisyo na tumutugon sa mga pangangailangan sa Welfare, Employment, Livelihood, at Legal (WELL) ng mga umuwing OFWs.

 

Sa ulat na isinumite kay Labor Secretary Silvestre Bello III, ang National Reintegration Center for OFWs (NRCO), ang ahensya na namamahala sa operasyon ng Assist WELL Processing Centers, ay sinabing marami sa mga OFWs na naserbisyuhan ay mula sa Kingdom of Saudi Arabia na may kabuuang 8,770 at sinundan ng Taiwan na may 1,829 OFW.

 

May kabuuang 6,721, o 36.18 porsiyento ng mga OFWs ang naserbisyuhan matapos na matanggal sa kanilang trabaho dahil sa pagkakakansela o postponement ng mga proyekto ng kanilang employer, downsizing/cost-cutting/redundancy o financial losses.

 

Ang malaking bilang naman ng mga OFWs na umabot sa 5,169 ay nagreklamo kaugnay sa paglabag sa kanilang mga kontrata.

 

Higit 4,000 naman ang bumalik sa bansa dahil sa pagpapatigil ng kanilang kontrata sa trabaho; 1,355 ang nagdesisyong manatili sa Pilipinas; 543 ang umuwi dahil sa kadahilanang pangkalusugan; 397 ang dahil sa krisis sa kanilang mga bansang pinapasukan; 165 ang biktima ng illegal recruitment, at 64 ang bumalik dahil sa pagkawala ng bisa ng kanilang Visa.
Samantala, kabilang naman sa mga ayudang ibinigay ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa mga OFW ay ang counseling, airport assistance, temporary accommodation sa OWWA Hostel, emergency medical assistance, at tulong sa transportasyon patungo sa kanilang tirahan.

 

May kabuuan namang 3,419 OFWs ang humingi ng tulong legal ang nabigyan ng payo at ayuda sa paghahain ng kanilang reklamo laban sa mga employer at lokal na agency sa tulong ng National Labor Relations Commission (NLRC), DOLE-Legal Service, at ng National Conciliation and Mediation Board (NCMB).

 

Sa kaso naman ng programang pangkabuhayan, ang mga OFW na humingi ng tulong ay binigyan rin ng ideya kung paano makakakuha ng benepisyo sa ilalim ng mga programa ng DOLE sa livelihood at entrepreneurship na ibinibigay naman ng Bureau of Workers with Special Concerns (BWSC) at NRCO.

 

Kaugnay naman sa tulong sa trabaho, 75 na OFW ang natulungan ng Bureau of Local Employment (BLE) na makahanap ng lokal na papasukan; 444 ang humiling ng competency assessment at training assistance ang siya namang binigyan rin ng scholarships, trainings at certification ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA); habang 996 na nagnanais muling mamasukan sa ibang bansa ang na-turn over sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) para mabigyan ng maayos na recruitment agency para sa kanilang deployment.

 

Liban naman sa mga serbisyong inaalok, sinabi pa ni Bello na ang pinakabagong paglinang sa programa ay ang pag-enroll ng Assist WELL sa e-tracking system upang mas mapabilis ang pagsubaybay sa mga estado ng mga tulong na naibibigay para sa mga OFW.

 

Ang programang Assist WELL ay ipinatupad ng DOLE sa pamamagitan ng mga regional offices, bureaus, attached agencies at POLO upang magbigay ng lahat ng pangangailangan ng mga OFW na nagbalik o na-repatriate dahil sa krisis o emergency situations.

 

END/Tim Laderas/ Paul Ang

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
1