Aabot sa humigit-kumulang na 13,000 trabahong lokal at sa ibang bansa ang naghihintay sa mga aplikante sa Trabaho, Negosyo, Kabuhayan (TNK) job and business fair na gaganapin sa Lunes, Marso 26, sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.

Hinimok ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang mga naghahanap ng trabaho, lalo na ang mga manggagawang bumalik ng Pilipinas at mga magtatapos na estudyante, na samantalahin ang mga oportunidad na iaalok ng 97 employers sa gaganaping one-day fair.

Sa paunang ulat ng Pasay Public Employment Service Office (PESO), kabilang sa 8,000 bakanteng trabahong lokal ay para sa sales clerk/assistant, driver, service crew, cashier, at stock clerk.

Sa construction industry, ang mga bakanteng trabaho ay para sa mason, carpenter, steel man, at rebar man.

Ang Metro Manila Development Authority (MMDA) ay mayroon ding mga bakanteng posisyon para sa traffic constables/enforcers kung saan sasailalim sa 15-day live-in training program ang mga makakapasa.

Dahil sa mga pisikal na pangangailangan ng trabaho, ang mga interesadong aplikante ay dapat na nasa 21 hanggang 40 taong gulang; nasa 5 feet 4 inches ang taas kung lalaki at 5 feet 2 inches ang taas kung babae; may malusog na pangangatawan; at nais sumailalim sa training program.

Sila rin ay dapat na may at least 72 units sa kolehiyo at kailangan din nilang magdala ng local clearances tulad ng Barangay at Police clearance. Sa mga nais maghanap ng trabaho sa ibang bansa, 5,000 job orders naman ang dala ng 11 participating recruitment agencies.

Kabilang sa mga bakanteng posisyon ay nurse, engineers (civil and electrical), service crew, cleaners, factory workers, construction workers, welder, laborer, carpenter, at operator.

Ang mga bansang may alok ng nasabing trabaho ay Kingdom of Saudi Arabia, New Zealand, Qatar, Brunei, Bangladesh, Taiwan, Brazil, and United Arab Emirates.

Para matulungan ang mga manggagawang bumalik ng Pilipinas, magkakaroon ng Assist WELL lane sa TNK site kung magbibigay ang DOLE ng welfare, employment, legal, at livelihood assistance.

Sa kabilang banda, ang mga accredited technical-vocational schools naman sa Pasay City ay magbibigay ng nasa 700 skills training scholarships para sa beauty care, caregiving, wellness (hilot), housekeeping, auto-mechanic, cookery, driving, at motorcycle technician.

Magkakaroon din ng pre-employment documentary services mula sa Philippine Statistics Authority (PSA), PhilHealth, Pag-Ibig, National Bureau of Investigation (NBI), Social Security System (SSS), at Bureau of Internal Revenue (BIR).

Ang mga naghahanap ng trabaho ay inaabisuhang magdala ng application requirements tulad ng resume or curriculum vitae (magdala ng mga ekstrang kopya); 2 x 2 ID pictures; certificate of employment para sa mga dating nagtrabaho; diploma at/o transcript of records; at authenticated birth certificate.

Samantala, ang mga manggagawang bumalik ng Pilipinas ay inaabisuhang magdala ng passport o anumang dokumento o patunay na sila ay nakapagtrabaho sa ibang bansa.

Ang TNK, na may temang “Alay sa OFW at Kabataang Milenyo: Matatag na Kabuhayan at Disenteng Trabaho,” ay proyekto ng DOLE, lokal na pamahalaan ng Pasay City at ang Public Employment Service Office (PESO) nito, Department of Trade and Industry (DTI), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

END/aldm

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry