Personal na sinalubong nina Pangulong Rodrigo R. Duterte at ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III, kasama ng iba pang opisyal ng gabinete ang 139 na Pilipinong nabigyan ng exit visa sa ilalim ng amnestiya ng Saudi Arabia na “Nation without Violations.”

 

Lumapag ang mga OFW sa bansa lulan ng Saudi Airlines Flight SV 7079 dakong alas 3:40 ng madaling araw.

 

Si Pangulong Duterte kasama si Secretary Bello at iba pang opisyal ng pamahalaan ang sumalubong sa mga napauwing overseas Filipino workers na kinabibilangan ng 65 kababaihan, 20 kabataan mula sa Bahay Kalinga (Tahanan ng Kababaihan), at 54 kalalakihan na naninirahan sa Estiraha (Tahanan ng mga kalalakihan), 16 walk-in na kliyente sa embahada ng Pilipinas sa Saudi Arabia.

 

“Ang 90 araw na amnestiya ng Saudi Arabia ay sinimulan noong ika-29 ng Marso 2017. Sa kaparehong araw, itinalaga ko ang ating ‘Rapid Response Team’ na pinangungunahan nina DOLE Undersecretary Dominador R. Say, Administrator Hans Leo J. Cacdac, OWWA, Deputy Administrator Brigido J. Dulay, OWWA lawyer Cesar L. Chavez, Jr., OWWA at POEA lawyer Anna Patricia P. Jacobo upang tulungan ang ating mga kababayang OFW na makakuha ng amnestiya,” ayon kay Bello.

 

Bilang pasasalamat sa pagbisita ni Pangulong Duterte, personal ring nagbigay si King Salman bin Abdulaziz Al Saud ng Saudi Arabia ng isang eroplano na masasakyan ng mga OFW pabalik sa bansa na walang anumang gastos sa pamahalaan ng Pilipinas.
Sa kabilang dako, nagpaabot naman ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa pangunguna nina Secretary Silvestre H. Bello III, at ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) repatriation team ng airport assistance sa mga nagbalik na OFW tulad ng pagpoproseso ng kanilang travel document, paggamit ng special immigration lane, at baggage assistance.

 

Nagbigay rin ang OWWA ng post-repatriation services sa mga OFW na kinabibilangan ng pansamantalang matutuluyan sa OWWA Halfway Home, psychosocial counseling/stress debriefing, at ayuda sa transportasyon. Bawat isang OFW naman, aktibo o hindi bilang miyembro ng OWWA, ay nakatanggap ng Php 5,000.00 cash assistance mula sa Office of the President at karagdagang Php 5,000.00 mula naman sa DOLE/OWWA.

 

Magbibigay rin ang DOLE sa mga nagbalik at nawalan ng trabahong mga OFW ng mga serbisyo sa ilalim ng programang Assist WELL tulad ng sa “Welfare, Employment, Livelihood, at tulong Legal.”

 

Ang mga miyembro naman ng OWWA ay maaaring makakuha ng benepisyo sa ilalim ng programang Balik-Pinas, Balik Hanapbuhay – na isang non-cash na tulong na nagkakahalaga ng Php 10,000.00 na mayroon ng kasamang starter kit at techno-skills training. Para naman sa mga hindi miyembro ng OWWA, sila ay bibigyang ayuda ng National Reintegration Center for OFWs (NRCO) upang makakuha ng mga benepisyo o non-cash training at programang pangkabuhayan.

 

Ang OWWA Repatriation Team at ang 24/7 Operations Center ay direktang nakikipag-ugnayan sa Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa KSA at naka-alerto sa mga flight advisory at araw ng pagdating ng mga susunod na batch ng mga nagbalik na OFW na nakakuha ng amnestiya.

 

### GSR with report from OWWA/ Paul Ang

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry