Binigyan ni Labor and Employment Secretary Silvestre H. Bello III ang 126 deputized inspectors na miyembro ng labor organization, employer representative, at professional group na makibahagi sa pagsasagawa ng inpseksiyon sa pagsunod sa labor standards ng mga establisyamento.

Ang kapangyarihan, na nagkabisa noong Enero 26 at balido hanggang Disyembre 31, ay makakatulong sa DOLE para sa mahigpit na pagpapatupad ng labor law sa iba’t ibang establisyamento sa bansa.

Inisyu ni Bello ang karapatan ng social partner sa pamamagitan ng Administrative Order No. 36, series of 2018.

“Sa pagsasagawa ng assessment na pangungunahan ng labor inspector, ang lahat ng awtorisadong social partner ay maaaring mag-interbyu ng mga manggagawa kaharap ang labor laws compliance officer ng DOLE at ang kinatawan ng employer, suriin ang employment record at dumalo sa mandatory conference ng mga ininspeksyong establisyamento. Sila ay sasailalim sa direktang pamamahala at pangangasiwa ng DOLE regional directors,” ani Bello.

Walumpung porsiyento o 101 ng deputized inspector ay mula sa labor organization, samantalang 14 porsiyento o 18 ay mula sa employer sector habang ang anim na porsiyento o pito ay mula sa professional organization ng nurse, engineer, at occupational safety and health practitioners.

Inatasan ni labor secretary ang regional directors na mag-isyu ng katumbas na karapatan para mag-inspeksiyon ng mga establisyamento at lugar-pagawaan. Ang karapatan ay co-terminous sa bisa ng Administrative Order maliban lamang kung mas maikling panahon ang itakda ng Regional Director.

Kailangang mag-sumite ang DOLE regional office sa Bureau of Working Conditions (BWC) ng quarterly report ng mga isinagawang inspeksiyon na sinalihan ng deputized DOLE inspectors mula sa labor, employer, at professional sectors.

Ang Davao Region ang may pinakamataas na bilang ng deputized inspector na may 24, kasunod ang National Capital Region na may 18, Central Visayas na may 17, at Northern Mindanao na may 15.

Naunang inisyu ni Bello ang Administrative Order No. 164 na nagtatakda sa kwalipikasyon na kinakailangan ng isang manggagawa upang maging bahagi ng labor laws compliance assessment team ng DOLE.

Kinakailangang manggaling ang mga deputized inspectors mula sa kwalipikadong miyembro ng lehitimong labor organizations, labor associations, chartered locals, national union o federation, accredited integrated professional organization/accredited professional organization, non-government organization, at employer’s organization.

Nasa ilalim ng pangangasiwa ng LLCO ang boluntaryong tungkulin ng deputized inspectors, samakatuwid hindi sila makakatanggap ng bayad sa kanilang serbisyo.

Upang maging deputized inspector, kailangang sumailalim sa comprehensive training sa general labor standards at occupational safety and health para makatanggap ng certification mula sa DOLE.

###GSR/gmea

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry