Labor officer, pinapurihan sa pagligtas sa OFW

Date Posted: May 2nd, 2018 03:13 PM

Nakatanggap ng papuri at komendasyon ang isang labor officer ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) mula sa Provincial Government ng Palawan at sa Department of Labor and Employment (DOLE) matapos na mailigtas ang isang OFW sa mapang-abuso nitong employer.

 

Pinuri ni Palawan Governor Jose Alvarez si Jonathan Gerodias, senior labor and employment officer sa POEA office sa Palawan na siyang nakipag-ugnayan para ma-rescue ang OFW na si Jackilyn Berba sa Riyadh, Saudi Arabia.

 

Sa sulat ni Alvarez kay Labor Secretary Silvestre Bello III, pinuri niya si Gerodias sa kanyang tulong upang mailigtas si Berba.

 

“Natanggap ng Provincial Government ng Palawan ang hinaing ni Berba upang makauwi nitong Disyembre 9, 2017, kaya agad kaming tumawag kay Gerodias na siya namang nanguna para mailigtas si sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang mga opisina tulad ng Overseas Workers Welfare Administration,” wika ni Gov. Alvarez.

 

Binigyang puri rin ng opisyal ng Palawan si Gerodias sa kanyang dedikasyon na nagresulta sa ligtas na pag-uwi ditto sa Pilipinas ni Berba sa loob lamang ng isang linggo.

 

“Tunay na kayang kaya niyang humawak ng mga naiibang sitwasyon at kaso na nangangailangan ng malalimang pagsasanay,” dagdag pa ni Alvarez.

 

Ayon sa ulat, pinagbawalan si Berba ng kanyang mapang-abusong employer sa Forever Manpower Services Inc. sa Riyadh na umalis sa bansa.

 

Binigyang komendasyon rin ni Bello si Gerodias para sa kanyang natatanging pagganap ng kanyang tungkulin at sa dedikasyon niyang mailigtas ang OFW na si Jackilyn Berba mula sa kamay ng employer nito.

 

“Ang mabilis mong aksyon at pakikipag-ugnayan sa OWWA ay napansin ng gobernador at lubos ka niyang inirerespeto maging ang buong DOLE. Nagpapakita lamang ito na hindi tayo puro salita lamang at patuloy tayo sa pagtupad ng ating mandato na protektahan, sa lahat ng pagkakataon ang kapakanan ng ating mga OFW,” ayon sa sulat ni Bello kay Gerodias.

 

Hinikayat rin ni Bello si Gerodias at mga kasamahan sa trabaho na magpatuloy lamang na maihatid ang serbisyo ng DOLE sa mga manggagawa partikular sa mga nangangailangang OFW at maging huwarang modelo sa iba pang kawani ng pamahalaan.

 

#Paul Ang

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo