Karagdagang tulong-pangkabuhayan para sa unyon ng manggagawa

Date Posted: April 12th, 2017 12:33 PM

Pinagkalooban ng Department of Labor and Employment ng karagdagang tulong-pangkabuhayan na nagkakahalaga ng P200,000 ang unyon ng manggagawa sa Bataan matapos nilang matagumpay na mapaunlad ang kanilang negosyong bigasan.

 

Tinanggap ng Mitsumi Philippines Workers Union (MPWU) ang karagdagang tulong-pangkabuhayan mula kay DOLE III Regional Director Atty. Ana Dione sa ilalim ng Sustainable Livelihood Framework (SLF) Program ng DOLE.

 

“Isang istratehiya ng DOLE ang SLF para sa epektibong implementasyon ng mga programang pangkabuhayan na naglalayong makatulong na makamit ang layunin ng pamahalaan na sama-samang pag-unlad,”ani Dione.

 

Iniulat ni Dione kay Labor and Employment Secretary Silvestre H. Bello III na nilalayon ng karagdagang tulong-pangkabuhayan na mas palakasin ang proyektong pangkabuhayan ng unyon at palawakin ang kanilang negosyo na frozen food products retailing.

 

May 1,072 miyembro ng MPWU ang makikinabang sa tulong-pangkabuhayan mula sa pondo ng DOLE Integrated Livelihood and Emergency Employment Program (DILEEP).

 

Pinasalamatan naman ni Edna Robles, Presidente ng MPWU union, ang DOLE para sa kanilang napapanahong tulong.

 

“Sa ikatlong pagkakataon, nais po naming ipaabot sa DOLE ang aming taus-pusong pasasalamat sa ipinagkaloob ninyo panibagong livelihood project. Tamang tama po ang panibagong livelihood assistance na ito dahil nais naming palawakin ang aming negosyo sa samahan,” ani Robles.

 

Taong 2010 at 2014 nang makatanggap ng tulong-pangkabuhayan ang MPWU ng  P500,000 at P200,000 ayon sa pagkakasunod sa ilalim ng Workers Income Augmentation Program (WIN-AP) ng DOLE para sa kanilang negosyong bigasan, na siyang pinagmumulan ng kita ng kanilang miyembro at empleyado.

 

END/Abegail De Vega with reports from J. Borja/A. Sumang/GMEArce
 

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo