Out-of-school youth, hinasa ng DOLE sa negosyo

Date Posted: March 28th, 2017 11:07 AM

Tatlumput-limang miyembro ng grupo ng kabataan sa La Union ang naiangat ang kanilang kabuhayan mula sa pagiging mga out-of-school youth (OSY) at ngayon ay mga negosyante na sa tulong ng livelihood program ng Department of Labor and Employment (DOLE).

 

Ang mga kabataang benepisyaryo ay miyembro ng Josiah Youth Movement, isang grupo ng mga manggagawa sa munisipalidad ng Rosario sa La Union.

 

Mula 2008, benepisyaryo na ng livelihood program ng DOLE ang Josiah, na kinabibilangan ng mga OSY. Ginamit nila ang tulong pinansyal na P15,000.00 na ibinibigay ng DOLE upang maitayo ang kanilang negosyo na silkscreen printing.

 

Noong 2009, inilaan naman nila ang napanalunang cash prize na P20,000 mula sa DOLE Kabuhayan Awards upang maidagdag na kapital sa pagpapalawak ng kanilang negosyo.

 

Taong 2017 naman ay ginawaran ng DOLE Regional Office No. 1 ang nasabing grupo ng panibagong tulong pangkabuhayan na nagkakahalaga ng P355,963.00 upang mas payabungin pa ang kanilang negosyo.

 

Ang tulong pinansyal ay nagamit nila sa pagbili ng anim pang t-shirt production machine, isang set ng computer, dalawang cutting machine, tools, iba pang kagamitan, at raw materials.

 

Sa kabilang dako, ang LGU naman ng Rosario, La Union ang sumagot ng gastusin para kanilang pagsasanay partikular sa business management, simplified bookkeeping at paghahanda ng mga financial report.

 

Upang mapaghandaan ang kanilang panibagong pamumuhunan, 13 miyembro ng grupo ang sumailalim sa pagsasanay sa Dress Making na nagresulta upang makakuha sila ng certificate rito o Dress Making NC II, kasama ang dalawa pa nilang miyembro na tutulong naman sa pag-imprenta.

 

Nagpaabot naman ng pasasalamat si Ervi Petero, pangulo ng youth group, sa DOLE at sa local government unit (LGU) ng Rosario para sa tulong na ibinahagi sa kanila na siyang umagapay sa kanilang mga miyembro upang magkaroon ng dagdag na kita at malinang ang kanilang kasanayan sa paghahanap na rin ng trabaho.

 

“Alam po namin na kailangang maipakita naming karapat-dapat kami sa ipinagkaloob na ayuda sa amin. Dahil dito, mas pag-iigihan pa po namin ang pangangalaga sa aming proyekto,” wika ni Petero.

 

END/Tim Laderas with a report from Arly Sta. Ana-Valdez/ Paul Ang

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo