DOLE, IOM pumirma sa pinahusay na reintegration program para sa mga OFWs

Date Posted: March 9th, 2017 01:50 PM

Nagsanib pwersa ang Department of Labor and Employment (DOLE) at ang International Organization for Migration (IOM) kamakailan upang maipatupad ang mas kumpleto at pinagsamang reintegration program para mga overseas Filipino workers (OFWs).

Base sa Memorandum of Agreement (MOA) na nilagdaan ng DOLE at IOM, ipatutupad ang dalawang taong proyekto na napapaloob sa isang master plan para sa migrant reintegration.

Ito ay isasakatuparan sa pamamagitan ng National Reintegration Summit; at pagtitibayin ng kaugnay na department order, administrative circular o implementing guideline sa reintegration.

Ang DOLE at IOM, kasama ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at National Reintegration Center for OFWs (NRCO), ay magbibigay ng mga serbisyo at mga programa para sa mga OFW at kanilang pamilya.

Ang paglagda sa kasunduan ay naaayon sa Migration and Development, and Crisis Management Framework ng Pilipinas, na naglalayong mag-ambag sa pagpapabuti ng national reintegration framework at mga alituntunin sa pagbibigay nito ng serbisyo.

Kasama rin sa proyektong ito ang produksiyon ng reintegration services duty bearers handbook na sasaklaw sa mga produkto at mga serbisyon ng institusyon; sertipikasyon mula sa ISO para sa sistematikong pagbibigay ng reintegration services; at pagsasanay sa mga reintegration counselor at duty bearers.

Ang mga pumirma sa kasunduan ay kinabibilangan nina DOLE Undersecretary Dominador R. Say, OWWA Administrator Hans Leo J. Cacdac, IOM Mission Coordinator at National Programme Officer Ricardo R. Casco, at NRCO Director Chona M. Mantilla.

END/NRCO Report/Tim Laderas/mdd

 

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo